NANANAWAGAN si Senator Francis Tolentino sa Department of Health (DOH) na pag-aralan ang posibilidad na payagan ang mga dayuhang doktor na magawa ang kanilang propesyon sa bansa sa loob ng limitadong panahon.
Paliwanag ni Tolentino na makikinabang ang lokal na industriya kung papayagan ang mga dayuhang doktor na magsanay sa lokal ‘para sa maikling panahon’.
Makatutulong aniya ito para sa pagpapalitan ng mga ideya at paglipat ng teknolohiya.
Kuwento ni Tolentino may mga dayuhang doktor ang nais na magsagawa ng medikal na pagsasanay sa Pilipinas, ngunit ang kasalukuyang patakaran o batas sa proteksiyon ay pumipigil sa kanila na gawin ito.
Binanggit ni Tolentino na pagkatapos ng pananalasa ng Super Bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, may mga Pranses at Espanyol na doktor ang lumapit sa kaniya sa Tacloban City, para ihayag ang kanilang kagustuhan na tulungan ang nasa kritikal na kondisyon.
Pero sa kabila nito ay hanggang first aid lamang ang kanilang puwedeng gawin dahil wala silang lisensiya para magpraktis sa Pilipinas.