TATALAKAYIN ang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa ng Senado ngayong Miyerkules.
Nakatakdang busisiin ng Senate Committee on Public Works ang programa hinggil sa flood control sa nakatakdang pagdinig sa Miyerkules, Agosto 9 dahil sa kabi-kabilang pagbahang naranasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng habagat at Bagyong Egay.
Ayon kay Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. chairman ng naturang komite, pinadalhan na umano ng summons ang pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang ipaliwanag ang hindi maresolbang pagbaha sa kabila ng daang-bilyong pondo na inilagak sa flood control.
Ipinatawag sina DPWH Secretary Manuel M. Bonoan at MMDA Chairperson Romando S. Artes na bukod sa paliwanag ay dapat na maglatag umano ng solusyon upang mabatid kung kaya pa ba nilang maresolba ang problema sa baha.
“Mainit na ang taumbayan, ako mismo naiirita na sa paulit-ulit na pagbaha tuwing bumubuhos ang ulan, lalo na ang mga kababayan nating lumulusong mismo sa baha, hindi na kailangan dito ang mga dati nang palusot, dapat ay aksiyon kung ano ang dapat gawin para hindi na bumaha” saad ni Revilla.
Nais ni Revilla sa pagharap nina Bonoan at Artes sa Senado ay matiyak kung ano ang tunay na ang nangyari sa Flood Control Masterplan na binuo sa pamamagitan ng World Bank na tila walang resultang makabubuti sa sitwasyon ng taumbayan.
Bubusisiin din umano ni Revilla kung tugma ang masterplan ng mga local government units, MMDA at DPWH upang matukoy kung bakit sa kabila ng magagandang paliwanag ng mga ahensiyang nabanggit ay tila mas lumalala pa umano ang sitwasyon.
Nais din ng komite na silipin ang mga patakaran kung paano mapapanagot ang mga pribado at pampublikong contractor na makakaperwisyo sa mga drainage at daluyang-tubig.
Matatandaang itinuturo ang contractor ng isang mall sa matindi ngayong pagbabaha sa South Luzon Expressway (SLEX).
“Dapat ay magkaroon ng reponsibilidad at accountability ang mga contractor na makakasira sa mga drainage. Matindi kasi ang idinudulot nitong pagbaha. Dapat liwanagin kung ano ang dapat na parusa o pananagutan kung meron man at masiguro na gumagana at maayos ang mga nasira ng mga kontratista,” saad pa ni Revilla.
Kasabay nito ay tiniyak ni Revilla na hindi lamang magtatapos sa imbestigasyon ang pagpapatawag kina Bonoan at Artes dahil sa personal umano nitong iinspeksiyonin ang mga flood-control structures, gayundin ang mga sub-standard na imprastraktura at mga condemned na proyekto.
“Hindi na tayo basta-basta maniniwala sa mga sasabihin ng DPWH at MMDA dahil mahuhusay sila sa paliwanag pero kulang sa gawa, kailangang makita ko na ng personal kung may patutunguhan pa ba ang kanilang panunungkulan o kailangan na nating maghanap ng kayang tugunan ang problema sa baha,” pagwawakas pa ni Revilla.