Senador Robin Padilla, ibinulgar na may basbas ng ilang tiwaling LGUs ang operasyon ng droga

Senador Robin Padilla, ibinulgar na may basbas ng ilang tiwaling LGUs ang operasyon ng droga

SA isinagawang organizational meeting ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs inamin ni Senador Robin Padilla na may ilang tiwaling opisyal ng lokal na pamahalaan (LGUs) ang sangkot sa iligal na droga.

Ipinunto ni Padilla na hindi iikot o lalawak ang illegal na droga sa isang barangay o komunidad kung walang basbas ng LGUs o ng barangay officials.

Hindi naman nilalahat ng senador subalit ito aniya ang katotohanan dahil siya mismo ay alam ito dahil nanggaling siya sa kulungan.

Pabor din si Padilla na dapat sa kumunidad o sa barangay nararapat umpisahan ang paglaban sa ipinagbabawal na droga at tutukan ang pagpapalakas ng rehabilitasyon sa mga lulong sa illegal drugs.

“Sa programa na ‘yan sang-ayon po tayo sa sinasabi ng ating mahal na senador na kailangan ito ay community based. Kailangan talaga na doon galing. Sila po ang nakakakilala kung sino ang taga dun. Pag taga run alam mo kung sino ang adik at alam mo kung sino ang tulak,” pahayag ni Padilla.

“Imposible na hindi mo alam eh. Isa din pong masakit na katotohanan meron ding mga involved na local government sir yun po ang malungkot. Di po yan makakalanding sa dagat o kahit saan kung walang signal ng local government,” dagdag ng senador.

Dagdag pa ni Padilla alam niya ito dahil nanggaling siya sa Bilibid at alam ang mga  kalakaran sa operasyon ng sindikato sa droga.

Tinanong din ni Padilla ang DILG kung kasama ba sa Mandanas Garcia ruling ang pondo para sa rehabilitasyon dahil mahalaga ito para sa paglaban sa droga at pagbabagong buhay ng mga nalulong dito.

Aminado ang DILG na posibleng hindi kasama sa Mandanas Garcia Ruling ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga lulong sa droga.

Dahil dito iginiit ni Padilla sa naturang pagdinig na dapat na paglaanan ng pondo ang drug rehabilitation sa mga LGUs para labanan ang mga sindikato na may bilyon piso na pondo sa illegal drugs operation.

 “Baka inaasahan po natin na mayroon tayong makukuha dun sa Mandanas Garcia Ruling na yan na pondo pero hindi naman kasama pala sa inilaan ng national government,” ayon kay Padilla.

Dapat siguro malinawan po yan kasi sayang naman po ang ating mga pagpaplano, pag dumating yung pondo, ay wala naman pala (nakalaan), patungkol sa drug rehabilitation.

Ikinatuwa naman ni Sen. Dela Rosa ang naging pahayag ni Padilla at pabiro na ipinagmalaki na iba talaga ang may direktang impormasyon kapag ikaw mismo ay nanggaling sa kulungan.

Follow SMNI News on Twitter