HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng School Year 2022-2023 lalo na’t may pandemya.
Ngayong unang araw ng pasukan ay binisita ni Senador Gatchalian ang ilang paaralan sa Valenzuela City.
Nais masiguro ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, na ligtas ang mga bata na makapasok sa eskwela.
Ang pagbisita ni Gatchalian sa Marulas Central Elementary School at Valenzuela National High School sa Valenzuela City ngayong araw ay para suriin ang kahandaan ng mga paaralan, mga guro, at mga mag-aaral sa gitna ng nananatiling banta ng COVID-19.
Sa kabila nito ay ipinunto ng senador na ang pagpapalawig sa COVID-19 vaccination coverage sa mga mag-aaral ay nananatiling isa sa mga pinakamahalagang hakbang upang maiwasang kumalat ang sakit sa mga paaralan.
Malaking hamon, ani Gatchalian, ang pagbabakuna ng mga mag-aaral na may edad 5-11.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health (DOH) National Vaccination Operations Center ngayong Agosto, wala pang 30 porsiyento ng mga kabataang may edad na 5-11 ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Samantala, nasa 76.41 porsiyento ng mga mag-aaral na may edad 12-17 ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.