UMIINIT na rin sa pangangampanya ang iilang mga personalidad na tumatakbo sa pagka-senador ngayong 2022 elections.
Kasunod ito sa opisyal na pagbubukas ng campaign period para sa mga tumatakbo sa national positions ngayong araw, February 08.
Kitang-kita sina Senador Richard Gordon, Risa Hontiveros kasama sina dating Senador Antonio Trillanes, dating Ifugao governor Teddy Baguilat, Atty. Sonny Matula, Atty. Alex Lacson, Atty. Chel Diokno at Atty. Dino de Leon, ang representative ni Sen. Leila de Lima na sinamahan ang tambalang vice president Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan sa kick-off campaign nito sa Camarines Sur.
Sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Elmer Labog naman na nasa ilalim ng ticket ni Robredo ay nagsagawa rin ng kanilang makabayang pagbabago motorcade kaninang umaga.
Sinamahan naman nina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista, Sen. Migz Zubiri, Antique Rep. Loren Legarda, dating Senador Jinggoy Estrada, Sen. Win Gatchalian, at dating presidential spokesperson Harry Roque ang proclamation rally ng Uniteam na binubuo nina dating Senador Bongbong Marcos at Inday Sara Duterte sa Philippine Arena, Sta. Maria, Bulacan.
Dumalo rin si Jane Umali, ang asawa at representative ni Sen. Gringo Honasan sa event, dating DPWH Sec. Mark Villar, dating defense Sec. Gilbert Teodoro, Atty. Larry Gadon, at Cong. Rodante Marcoleta.
Samantala, sa ticket ni Manila Mayor Isko Moreno at Dr. Willie Ong, sinamahan ang mga ito nina senatorial candidates Samira Gutoc, Carl Balita at Jopet Sison sa kanilang proclamation rally sa heroes park.
Sa Ping Lacson – Tito Sotto tandem na nasa Imus, Cavite, sinamahan sila ng kanilang senatorial candidates sa proclamation rally gaya nina dating PNP chief Guillermo Eleazar, public health advocate Dr. Minguita Padilla, at dating Makati Rep. Monsour del Rosario.
Habang si Sen. Joel Villanueva ay nagsagawa lang muna ng virtual rally kaninang 10:00 ng umaga.
Kung maalala ay kaka-recover lang ni Villanueva mula sa COVID-19.
Si dating Senador JV Ejercito naman ay nagsagawa ng motorcade sa San Juan City, ang kanyang hometown kabilang na ang Mandaluyong City at Manila City.