Seniors, naniniwalang hindi na nila kailangan ang COVID-19 vaccines

Seniors, naniniwalang hindi na nila kailangan ang COVID-19 vaccines

MARAMI sa mga nakatatanda ang naniniwalang hindi na nila kailangan ang pagbabakuna laban sa COVID-19.

Anila, sa kanilang edad ay hindi na malayong mamatay na rin sila.

Ito ang dahilan ayon sa Department of Health (DOH) kung bakit nananatiling mababa ang bilang ng vaccination rate sa mga senior citizen.

Sa naganap na Bayanihan Bakunahan Part 4 noong March 10 hanggang 12, aabot lang sa dalawampung libo ang nagpaturok.

Malayo ito sa target ng pamahalaan na mahigit limang daang libo.

Maliban pa dito, mangilan-ngilan lang din ang nagpapaturok ng booster shots dahil kampante na laban sa virus nang maturukan sila ng unang dalawang vaccine shots.

Sinovac, maaari nang gamitin sa pediatric vaccination

Maaari nang gamitin ang COVID-vaccine Sinovac para sa mga batang edad anim pataas.

Ito ay matapos ipalabas ng Food and Drugs Administration (FDA) ang aprubadong Emergency Use Authorization (EUA) para dito.

Nabatid na batay sa pag-aaral na ginawa sa Chile, nakitang epektibo ang Sinovac sa 74% ng 1.9 milyong batang edad anim hanggang 17.

Aabot naman sa 90% sa bata ang hindi na-ospital habang 100% ang hindi na dinala pa sa intensive care unit (ICU) o ‘di kaya ay nasawi.

Sa ngayon, tatlo na ang COVID-19 vaccine sa bansa na maaaring gamitin para sa pediatric vaccination.

Ito ay ang Pfizer, Moderna at Sinovac.

 

Follow SMNI News on Twitter