INAASAHAN na ang muling pagsigla ng sektor ng turismo sa bansa matapos inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) na simula Abril 1, wala nang limitasyon sa bilang ng mga banyagang pasahero at turista na darating sa Pilipinas.
Ang naturang desisyon ay kasunod na rin sa pagpayag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na i-lift ang arrival quota para sa mga hindi pa nabakunahang pasahero sa lahat ng port of entry.
Sa ilalim ng Resolution 164-A, ang pagsusumite ng negatibong laboratory-based antigen test result sa loob ng 24 oras at negatibong resulta ng RT-PCR test sa loob ng 48 oras bago umalis mula sa pinanggalingan.
Habang ipagpapatuloy din ng embahada at konsulado ang pag-iisyu ng visa ngayong Abril 1.
Sinabi naman ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na malaking tulong ito sa sektor ng turismo upang makabawi ang industriya mula sa pandemya.
“This latest development opens the country to all fully vaccinated tourists from all countries, and means the country’s tourism industry is well on its way to recovery,” pahayag ni Romulo-Puyat.
Pinasalamatan ng kalihim ang IATF para sa pag-apruba ng mga naturang hakbang na makatutulong sa pagpapanatili ng pagbawi ng sektor sa mga susunod na buwan.
Ani Puyat, malaking pag-asa ito na magreresulta sa pagtaas ng mga international traveler na bibisita sa bansa sa panahon ng tag-araw.
Maliban dito, pinahintulutan na rin ang pagpasok ng mga passport holder mula sa Hong Kong SAR at Macau SAR.
Habang inaprubahan din ang reciprocal recognition ng COVID-19 vaccination certificates mula sa Croatia, Cyprus, at Nepal na kabilang sa 157 bansa na maaaring makapasok sa Pilipinas nang walang visa sa ilalim ng EO 408.
“While our domestic tourists have been the pillar of our recovery, we are also excited to welcome more foreign visitors in the weeks ahead. Such a move to further ease our borders and recognize the vaccination certificates of other countries is very important, noting that our top foreign markets were part of the visa-free countries,” ani Romulo-Puyat.
Matatandaang, muling binuksan ng Pilipinas ang mga pinto nito sa mga dayuhang turistang mula sa mga visa-free countries noong Pebrero 10.
Batay sa datos ng DOT noong Marso 9, umabot na sa higit 43,000 na mga dayuhang turista ang dumating sa bansa habang 33,487 naman dito ay mga balikbayan.