Shooting incident sa Taguig Police Office, pinaiimbestigahan sa Senado

Shooting incident sa Taguig Police Office, pinaiimbestigahan sa Senado

IIMBESTIGAHAN ni Senator Robinhood Padilla ang nangyaring shooting incident sa police station sa Taguig City.

Kabilang sa aalamin ay kung may kinalaman ba sa diskriminasyon ang nangyaring alitan ng mga pulis na nauwi sa barilan na kinasasangkutan ng isang Muslim police officer.

Ugat umano sa pamamaril ay ang paghahain ng ulam na karneng baboy.

Ayon kay Sen. Padilla, mismong ang Muslim police officer ang sumulat sa kaniya at inihayag na nagkaroon ng diskriminasyon at panunuya sa kaniya at hinainan siya ng pork na hindi pinaalam sa kaniya bago nangyari ang insidente.

Sa Senate Resolution 743, isinulong ni Padilla na gawin ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs ang inquiry in aid of legislation sa kalagayan ng Muslim community.

Maliban dito, kabilang din sa nais masilip ni Sen. Padilla ay ang iba’t ibang reklamo kaugnay sa mga pagkain na may tatak na Halal pero may halong pork.

Saad ni Padilla, maraming hamon sa mga Muslim community kaugnay sa pagkain dahil sa kanilang paniniwala.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble