SINAKSIHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang signing ceremony ng Contract Package (CP) NS-01 Electromechanical Systems & Track Works para sa North-South Commuter Railway (NSCR) System.
Ginanap ang naturang event sa Ceremonial Hall sa Malacañan Palace nitong umaga ng Biyernes, Marso 3.
Ang signing ay isinagawa sa pagitan nina Mr. Koji Ota, executive vice president ng Mitsubishi Corporation at Secretary Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr).
Kasama sa CP NS-01 ang procurement ng railway infrastructure projects para sa Malolos-Clark Railway Project at North-South Railway Project – South Line (Commuter), na kilala sa kabuoan bilang North-South Commuter Railway Extension Project.
Kabilang sa Contract Package ang railway tracks, turnouts, track sleepers, power supply at distribution system, signaling system, automated fare collection, computerized management maintenance, at platform screen door, bukod sa iba pang mahahalagang bagay para sa kaligtasan at operasyon ng riles.
Konstruksyon ng North-South Commuter Railway, lilikha ng 110K trabaho at makatulong mapasigla ang ekonomiya
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na nananatili ang paninindigan ng kanyang administrasyon na pagandahin pa ang transport system ng bansa.
Tiniyak ni Pangulong Marcos sa mga Pilipino na tuluy-tuloy ang pagsusumikap ng gobyerno para sa modernisasyon ng transportasyon.
Naniniwala si Pangulong Marcos na kabiyak ng pagpapabuti ng pampublikong transportasyon ay ang paggawa rin ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino na makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa kasagsagan ng konstruksyon ng proyekto, ayon sa DOTr, makalilikha ito ng 110,000 direct at indirect jobs.
Biyahe mula Clark Int’l Airport at Calamba City, magiging 2 oras na lamang kapag nakumpleto ang NSCR
Kapag nakumpleto ang kabuoang NSCR project, ay mababawasan ang travel time sa pagitan ng Clark International Airport at Calamba City, Laguna, mula 4 na oras, ay 2 oras na lamang ang biyahe.
Ang 147-kilometer NSCR ay binubuo ng 35 stations at 3 depots.
Ang NSCR ay mayroon namang kabuoang 51 commuter trainsets at 7 express train sets at makapagsisilbi ng 800,000 mga pasahero kada araw.
Ang NSCR System ay binubuo ng tatlong segments: Malolos-Clark, Tutuban-Malolos, at Solis-Calamba.
Mangunguna sa implementasyon ng proyekto ang DOTr at Philippine National Railways (PNR).
Ang NSCR system ay nagkokonekta sa mga probinsiya ng Tarlac, Pampanga, Bulacan, at Laguna na lubos na magbabago ng mobility sa buong Greater Capital Region.
PBBM, pinasalamatan ang Japanese government at JICA sa financial support para sa infrastructure development ng bansa
Kaugnay rito, pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang Japan government, ang JICA para sa financial support sa implementasyon ng CP NS-01 at sa pagiging active partners ng Pilipinas pagdating sa infrastructure development.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang magandang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Japan pagdating sa usapin ng imprastraktura.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang Mitsubishi Corporation sa pakikipagtulungan sa Philippine government para sa Contract Package NS-01.
Nasa Php873.62 billion ang total project cost ng North-South Commuter Railway at ito ay co-finance ng Asian Development Bank at JICA.
Ang NSCR ay magsisilbing pinakamalaking infrastructure investment ng ADB.
Inaasahan ang partial operations ng Malolos to Clark airport section ng NSCR sa third quarter ng 2026 habang ang full operations ng buong NSCR sa 2029.
Ang North-South Commuter Railway Extension ay flagship project sa ilalim pa rin ng Build, Better, More infrastructure agenda ng Marcos administration.