NGAYONG araw na ang simula para sa pagpaparehistro ng mga cellphone users ng kanilang ginagamit na SIM mula sa iba’t ibang telecom companies.
Ito ay alinsunod sa SIM Registration Act na naging batas sa nakaraang buwan ng Oktubre na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Layunin nito ay upang mapigil ang pang-aabuso ng mga scammer at kriminal gamit ang cellphone.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), nasa 156.5 Million Subscriber Identity Modules (SIM) ang aktibo at kailangang ma-register.
Pero bago pa man ang araw ng pagpaparehistro ay nagbabala na ang pamahalaan laban sa mga posibleng mananamantala.
Sa isang pahayag sa kanilang social media account ay nagbabala ang DICT kaugnay sa mga email na nagsasabing kailangan mo nang magparehsitro upang di maputol ang mga serbisyo sa mga mobile wallet kung.
Payo ng DICT wag i-click ang mga link.
Ilang katanungan sa SIM registration sinagot ni Sen. Grace Poe
Samantala nagbigay naman ng payo si Senator Grace Poe kaugnay sa SIM registration.
Sa kanyang social media account nagpaalala si Poe na magparehistro lamang sa lehitimong website ng iyong telco upang malaman ang proseso ng pagpaparehistro.
Ipinakita rin sa post ng senadora ang website para sa SIM registration ng Globe, Smart, at DITO.
Paalala rin ng senadora na ihanda ang mga kinakailangang impormasyon tulad ng pangalan, date of birth, kasarian, address, mobile number at maging ang valid government ID na may kasamang picture.
Para naman sa mga menor de edad o estudyante na wala pang government ID. Maaring i-rehistro ang SIM sa ilalim ng pangalan ng mga magulang o guardian.
Sa registration ay maari ding gamitin ang printed copy ng digital na national ID.
Sa kabilang banda naman ay pinaaalahanan ni Poe ang mga telecom companies na dapat din aniyang tulungang makapagrehistro ng SIM ang mga may kapansanan, senior citizens, menor de edad, buntis at ang mga walang internet connection.
Nanawagan din si Poe ng maigting at malawak na information drive para maabot at makapagrehistro ang mga mamamayan sa buong bansa at matiyak na hindi makokompromiso ang kanilang mga datos.
Mahalaga ring malaman ng publiko na walang limit sa dami ng SIM na pwedeng gamitin, ang mahalaga ay maiparehistro ito sa ilalim ng kanilang pangalan.