Sistema sa pamamahagi ng AICS-Educational Assistance, inayos na ng DSWD

Sistema sa pamamahagi ng AICS-Educational Assistance, inayos na ng DSWD

NAGKAPIRMAHAN sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo at Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ng isang Memorandum of Agreement sa DSWD main office Miyerkules ng umaga.

Ito’y para ayusin ang sistema sa pamamahagi ng AICS-Educational Assistance na kamakailan ay pinagkaguluhan ng taumbayan.

Kabilang sa napagkasunduan na sa identified local government unit (LGU) payout sites at designated DSWD local offices ang bigayan ng ayuda para maiwasan ang mahabang pila.

“Nakasaad na dito ang role ng Local Government Unit (LGU), ang role ng DSWD pero iisa ang buod ang pagtutulungan,” pahayag ni Abalos.

“Ang assistance lamang po ng LGU, ng DILG muna. The DILG will provide police at saka request Barangay Tanod para maayos po yung pila doon sa venues. Sa LGU naman po si Mayor magpo-provide ng social workers nila,” ayon naman kay Tulfo.

Bago mabibigyan ng ayuda, dapat munang makapag-online registration ang mga benepisyaryo.

Posible naman na gawing alphabetical order na bigayan at ang DSWD national ang mag-iinterview sa mga kukuha ng cash aid.

“Siguro this coming Saturday yung mga apelyido na nag-uumpisa sa letrang A hangang letter F siguro diba. So yun muna ang i-aaccommodate natin this coming Saturday, nationwide yun,” ani Tulfo.

P1,000 cash assistance ang matatanggap ng kwalipikadong elementary students sa ilalim ng AICS-Educational Cash Program.

P2,000 sa junior high school, P3,000 sa senior high at P4,000 sa vocational/college level.

Aabot naman sa 400,000 estudyante sa buong Pilipinas ang matutulungan ng programa.

Nilinaw naman ng DSWD na hindi kasali ang mga miyembro ng 4Ps at iskolar ng mayors, governors at local scholars.

Hindi rin daw pagbibigyan ang walk-in lalo na’t mayorya ng mga Pilipino ay may cellphone na at kayang magpa-register online.

Kapag nagwalk-in po magkakaproblema na naman ho tayo. Yun pong mahigpit na instruction. This will be the difference. Kasi nagwalk-in sasabihin po pwede naman. Siguro ho later part na ho siguro,” dagdag ni Tulfo.

 

May paglilinaw naman ang DSWD kung may payout ba sa mga lugar na tinamaan ng nakaraang bagyo.

“Yung mga lugar na binaha, binagyo siguro wala po ngayong Saturday kung talagang devastated. Pero malalaman ko ho ‘yan sa regional directors po namin,” ani Tulfo.

 

 

Follow SMNI News on Twitter