Smart public transport system, itatayo sa Makati City

Smart public transport system, itatayo sa Makati City

INAASAHANG magkakaroon na ng pampublikong electric buses sa lungsod ng Makati.

Ito ay matapos lumagda ng kasunduan ang Makati local government at mga opisyal ng Korea International Cooperation Agency (KOICA) ngayong araw ng Miyerkules para sa pagtatayo ng isang smart public transport system sa lungsod.

Sa isang press conference sa Makati City Hall, sinabi ni Mayor Abby Binay na sa pamamagitan ng naturang proyekto, mababawasan ang problema sa trapiko sa siyudad.

Sa ngayon, isasapinal pa ng LGU ang ruta ng electric bus sabay tiniyak ng alkalde na ipaprayoridad nila ang mga area na hindi napupuntahan ng ibang public transport.

Kasama rin sa pag-aaralan at tutukuyin pa ng LGU ang depot, command center pati na rin ang loading at unloading stations ng smart public transport system.

Inaasahang magbibigay ng malaking ginhawa sa mga commuter ang bagong public transport dahil  mas mabilis ang biyahe at mura ang singil sa pamasahe.

Hassle-free rin ang bayad sa pamasahe dahil gagawin ito via digital o cashless payment.

Saysay pa ni Mayor Abby, makatutulong din ang electric buses sa pagbawas ng greenhouse gas emissions dahil hindi gumagamit ng gasolina ang mga ito.

Batay sa nasabing kasunduan, popondohan ng US$13 million ng KOICA ang proyekto kasama na ang disenyo, pagtatayo ng electric bus depot, control tower, at maging ang suplay ng electric bus units.

Samantala, sasagutin naman ng Makati LGU ang mga lote kung saan itatayo ang bus depot at parking area pati na rin ang pondo para sa operasyon, storage, at maintenance ng electric buses.

Inaasahang makukumpleto ang proyektong smart public transport system sa taong 2024 o 2025.

Follow SMNI News on Twitter