SMNI, inireklamo na sa PNP Anti-Cybercrime Group ang mga nasa likod ng fake account ng SMNI

SMNI, inireklamo na sa PNP Anti-Cybercrime Group ang mga nasa likod ng fake account ng SMNI

PORMAL na naghain ng reklamo sa PNP Anti-Cybercrime Group sa Kampo Krame ang SMNI para humingi ng tulong laban sa ilang pangalan na nagpapakalat ng maling balita gamit ang pangalan ng himpilan.

Laman ng reklamo ang iligal o hindi awtorisadong paggamit ng pangalan at logo ng SMNI na ginagamit sa pagpo-post ng mga maling balita na sumisira sa imahe ng network.

Nauna nang nilinaw ng pamunuan ng SMNI na hindi nito kilala at walang koneksiyon ang pangalang Irene Mangga at Gabriel Casimero na mga nasa likod ng balitang pagpanaw diumano ni President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. matapos itong tamaan ng COVID-19.

Ayon sa SMNI, wala itong ipinalabas na anumang pahayag kaugnay sa kalagayan ng Pangulo.

Lumutang din ang post na ito na nagbibigay babala sa pangulo at pangalawang pangulo na susunod ang mga ito sa kinahinatnan sa yumaong si Japan Prime Minister Sinzho Abe bagay na pinabulaanan ng SMNI.

Ayon sa PNP-Anti-Cybercrime Group, kadalasan anila sa mga biktima ng ganitong modus ang gamitin ang malalaking tao, kumpanya o grupo para manira, mang-insulto o di naman kaya ay pagkakitaan ang mga ito.

Mula rito, agad naman nakipagtulungan ang PNP Anti-Cybercrime Group sa proseso ng pagresolba sa nasabing reklamo.

Kasabay nito ang paalala sa mga gumagawa ng kaparehong modus na mapananagot ito sa batas.

Makalipas ng ilang minuto, nakatanggap ng tawag ang SMNI mula sa Cyber Patrolling Investigation Unit ng PNP-ACG at ipinakita ang account ni Gabriel Casimero at napag-alamang deactivated na ito at burado na rin ang natukoy na mga malisyosong posts gamit ang SMNI logo.

Ayon sa SMNI, hindi nito tatantanan ang mga nasa likod hangga’t walang napaparusahan upang hindi na mapamarisan.

Sa kabilang banda, isa sa mga rekomendasyon ng PNP sa mabilis na ikariresolba ng iba’t ibang krimen sa bansa sa tulong ng sim card registration.

Sagot ito sa pagtukoy sa mga gumagawa ng krimen sa bansa.

Sa kanyang live TV program na Powerline, nagbabala rin si Pastor Apollo C. Quiboloy na mananagot ang sinumang gumagamit sa pangalan ng SMNI sa kabila ng kagustuhan nitong makatulong sa bansa mula sa mga magaganda nitong balita at programa.

Follow SMNI News on Twitter