UMALMA sa paraan ng pag-aresto sa 5 Chinese national sa Las Piñas si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Inalmahan ni SOJ Remulla ang pang-aaresto ng mga pulis kahit wala pang naihahaing kaso laban sa limang Chinese national na sinasabing sangkot sa human trafficking.
Ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) na magkaroon pa ng preliminary investigation at palayain ang limang Chinese national na inaresto ng Las Piñas City Police kasunod ng kanilang ginawang raid para sa anti-human trafficking operation noong Hunyo.
Ito ang naging kautusan ng DOJ pagkaraang isalang sa inquest proceedings ang mga ito.
Kinilala ang limang Chinese national na sina Li Jiacheng, alias Li Jiachang, Xiao Liu, alias Xiao Lin, Yan Jiayong, alias Pan Wen Jie, Duan Haozhuan, and LP Hongkun, alias Li Yang Na.
Pero sa kabila ng release order na iniutos ng DOJ, ay nanatili pa rin sa kustodiya ng mga pulis ang mga Chinese nationals ayon sa abogado ng mga ito.
Bagay na inalmahan ni Remulla dahil sa kawalan ng koordinasyon ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group bago isinagawa ang raid.
Huli aniya sila nang huli gayong hindi naman malinaw kung anong dahilan o ground para sa pag-aresto.
Giniit nito na hindi nila papayagan na galing sa planted evidence ang ihahaing kaso mula sa DOJ.
Matatandaan na sa naturang raid, halos tatlong libo ang naisalba ng mga awtoridad.
1,534 ay mga Pilipino, habang 1,190 ay mga galing sa Malaysia, Singapore, China at Vietnam.