Solusyon sa oversupply ng kamatis, panawagan ng isang agri group

Solusyon sa oversupply ng kamatis, panawagan ng isang agri group

PROBLEMA ngayon para kay Engr. Rosendo So, Presidente ng SINAG ang oversupply ng kamatis sa bansa ngayong Pebrero, matapos na magsabay-sabay sa pagtatanim ang mga magsasaka.

Kung pagbabatayan umano ang majority local produce ng bansa sa kamatis, aabot ito sa siyamnapu’t limang porsyento at maghihintay lamang ng limampu hanggang sa animnapung araw bago ang anihan.

Ayon kay Engr. So, kung hindi sana nadevolve ang Municipal Agriculture Office na siyang susuri sa pangangailangang pang-agrikultura ng mga magsasaka, hindi sana mangyayari ang paulit-ulit na problemang ito.

“Dati kasi itong mga municipal agriculture office eh department of agriculture siyempre na devolve sila sa LGU kaya wala ng control ang national government sa mga municipal agriculturies. So yan ang isang disconnection na kailangan ayusin,” ayon kay Eng. Rosendo So.

Inaasahan naman nito na tutugunan agad ng kasalukuyang administrasyon ang presyuhan sa kamatis.

Dagdag pa niya, dapat magkakaroon ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) para alam ng mga magsasaka kung saan pupunta ang kanilang mga produkto.

“Pero sa processing kasi dati, ang Pangasinan may processing area. Pero sa San Carlos, ang steady supply ang problema natin, alam kasi natin ang rainy season time like june july and august september so yung production ay babagsak so wala steady supply ang makakarating sa processing,” saad nito.

Iminungkahi rin ni Engr. So na dapat naka-schedule kung saang bayan dapat magtanim ang mga magsasaka at dapat ma-monitor ito ng maayos nang sa ganun, hindi agad babagsak ang presyo.

“So scheduling siguro ang isang tinitignan natin and of course yung assurance ng retail at least mababasin ang mga magsasaka, more or less kung saan ang presyo para hindi lugi,” dagdag nito.

Bagamat walang reklamo aniya mula sa mga konsyumer kapag mababa ang presyo ng kamatis sa mga merkado, labis naman ang pagkalugi ng mga magsasaka na silang pangunahing naaapektuhan ng mababang farmgate price.

Sa huli, nanawagan si Engr. So na kailangan nang tugunan ng pamahalaan ang mababang farmgate price at gumawa ng akmang hakbang para hindi tuluy-tuloy ang pagkalugi ng mga nagtatanim ng kamatis.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble