Solusyon sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea, inilatag ni Atty. Roque

Solusyon sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea, inilatag ni Atty. Roque

DUMALO si Atty. Harry Roque, former Presidential spokesperson sa administrasyong Duterte at international law expert, sa Symposium on Global Maritime Cooperation and Ocean Governance sa Sanya, Hainan Province ng China.

Ang dalawang araw na forum na ito ay nakasentro sa maritime cooperation and development sa pagitan ng mga bansa, at iba pang usapin tulad ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea, kung saan nakiisa si Atty. Roque upang magbigay ng suhestiyon kung paano nga dapat ito harapin.

Ani Roque, dapat ay ipatupad ang nakasaad sa international law, partikular sa usapin ng maritime features, dahil aniya kung susumahin, kakarampot lang talaga ang pinag-aagawan ng mga bansa sa Asya sa South China Sea.

“Aking solusyon lang is unang-una iaplay lang natin kung ano ang nakasaad sa international law—-common heritage of mankind,” saad ni Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesperson, International Law Expert.

Diin ni Roque, mahalaga ang kaniyang pagpunta rito dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang Pilipino ay nagdala ng solusyon at hindi argumento na mayroong titulo ang Pilipinas sa pinag-aagawang mga teritoryo.

“Ang inaasahan ko—na ipinagbabawal naman sa international law,” dagdag ni Atty. Roque.

Dagdag pa nito, upang masolusyunan ang problema ay balak din aniyang umikot sa buong Pilipinas upang ipaalam na mayroong solusyon sa isyung ito at iyon ay hindi pagtrato sa mga Tsino na kalaban ng Pilipino.

Matatandaan na ang symposium na ito sa China ay unang isinagawa noong taong 2020 at nagkaroon na ng apat na beses ng pagdaraos upang mas palakasin ang kooperasyon ng bawat bansa pagdating sa pangangalaga ng karagatan.

Follow SMNI NEWS on Twitter