UMANI ng papuri mula kay Senator Christopher “Bong” Go ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pinuri ni Sen. Go ang direksyon ng presidente na patuloy na pagtibayin ang health care system ng bansa na nasa kalagitnaan pa rin ng pandemya.
Kahapon sa talumpati ng Pangulo ay binigyan nito ng kahalagahan ang pagtatatag ng Virology Institute Center for Disease, at medical courts na kasama sa mga priority bills ng PDP-Laban Senator.
“Marami po syang nabanggit na priority bill nya na part ng nai-file ko sa senado – Virology institute, Center for Disease, medical court to strengthen our health care system. Nakatutok po ang ating gobyerno to improve our health care system. Mas mainam na lagi tayong handa,” pahayag ni Go.
Nagpasalamat din si Senator Go sa pangako ni PBBM na ipagpatuloy ang ilan sa mga programa na isinulong ng nagdaang Duterte administration.
Sa SONA kahapon ay kabilang sa binigyang-diin ni PBBM ang pagkakaroon ng mas malinaw ng infrastructure plan upang maipagpatuloy at mapalawak ang kahanga-hangang Build Buid Build program ng nakalipas na administrasyon.
“Kasi po pag andyan ang mga infrastructures sa mga malalayong lugar ay mabibigyan ng importansya lalong lalo na yung mga mahihirap nating mga kababayan. Masaya ako na priority ng pamahalaang Marcos ang naumpisahan ni Pangulong Duterte,” ayon kay Go.
Pinasalamatan din ni Go ang pagkilala ng Pangulo sa kahalagahan ng Department for Migrant Workers (DMW).
“Ito pong mga OFWs natin, sila po ay ang ating itinuturing na modern day heroes na nagtatrabaho sa ibang bansa. Malaking kontribusyon po sila kaya bigyan natin sila ng halaga at importansya. Ito na talaga ang departamento na para sa kanila. Isa ito sa aking pinangarap at patuloy naman itong binibigyan ng importansya ng present administration,” ani Go.
Matatandaan na ang DMW ay isa sa itinuring na priority bills ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na naipasa rin sa panahon ng kanyang termino.