NANINIWALA si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na panahon na para isulong ang pagpapatayo ng mga specialty hospital sa Visayas at Mindanao.
Isinusulong ni Zubiri na makapagpatayo rin ang pamahalaan ng mga specialty hospital sa iba’t ibang lugar sa bansa tulad ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, the Philippine Children’s Medical Center, at National Kidney and Transplant Institute.
Aniya dapat nang ma-decentralize ang healthcare system ng bansa upang matiyak na ang lahat- maging ang mga taga probinsya ay magkakaroon ng access sa de kalidad na sistema ng pangkalusugan.
“Being from Mindanao myself, I am very much committed to decentralizing our healthcare system, and ensuring that we are able to deliver quality healthcare to every corner of the country,” pahayag ni Zubiri.
Aniya, dapat maidala sa probinsiya o mga malalayong lugar ang iba’t ibang uri ng ospital na mayroon sa Metro Manila.
Sa ngayon, kailangan pang lumuwas ng mga tao mula probinsiya kung magpapagamot sa mga specialty hospital.
At kung hindi naman sila makaluluwas, ang option ng mga ito ay magpunta sa private hospitals na sobra aniyang mahal.
“At kung kaya namang lumuwas, mahirap naman din magpa-schedule ng treatment sa ating mga specialty hospital–it can take months to get a slot, maliban na lang kung life or death situation na. Hindi naman pwedeng hintayin pa na humantong sa ganyan,” ayon pa kay Zubiri.
Ayon kay Zubiri, ang maganda ngayon ay tinatrabaho na ng Senado na makapagpatayo ng mga mas maraming general hospitals sa probinsiya na walang tertiary hospitals.
Aniya, mayroon nang ipinasa ang Senado para sa pagtatayo ng Bacolod General Hospital Act at mayroon namang mga pending bills sa para sa pagpatayo pa ng mga ospital sa mga lugar gaya ng Iloilo.
Pero giit ni Zubiri, maliban sa mga general hospitals ay dapat magkaroon din ng panukala para sa pagpapatayo ng special hospitals sa Visayas at Mindanao.
Dagdag pa nito na sa oras na magkaroon ng regional specialty hospitals magiging mutually beneficial ito para sa Doktor Para sa Bayan Act.
Ang mga medical scholars sa probinsiya ay maaari nang magkaroon ng internships sa mga special hospitals sa kanilang lugar.