SSS, may alok na boluntaryong savings program para sa mga miyembro

SSS, may alok na boluntaryong savings program para sa mga miyembro

NGAYONG nalalapit na ang Kapaskuhan, panibagong programa ang inilunsad ng Social Security System (SSS) na makatutulong sa mga Pilipino na miyembro ng SSS na may monthly salary na P20,000 pababa.

Ito ay sa pamamagitan ng bagong lunsad na Workers’ Investment and Savings Program (WISP) Plus na isang voluntary provident fund program o retirement savings scheme na eksklusibo sa mga miyembro ng SSS.

Nakapaloob ito sa probisyon sa ilalim ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018.

Paliwanag ni Michael Regino, President at CEO ng SSS na malaking tulong ito at dagdag ipon.

“The WISP Plus is offering our members another way of savings aside from their regular SSS contributions. Its serves as an additional layer of social security protection apart from the retirement benefits that they will receive from the regular SSS program upon reaching the required age for retirement,” pahayag ni Michael Regino, President & CEO, SSS.

Ibig sabihin aniya, may dalawang opsyon na sa pag-iipon ang isang SSS member, ito ang regular nang buwanang hinuhulugan para sa mga benepisyong nakukuha tulad ng maternity leave, death, calamity loan at iba pa.

At ang bagong provident fund na tax-free at voluntary ay maaaring i-avail ng mga miyembro na mas mababa sa P20,000 ang monthly salary credit level.

Maaaring maghulog ng minimum na P500 savings ang miyembro na puwede niyang dagdagan.

Kabilang sa mga maaaring mag-avail nito ay mga SSS registrant at kung employed dapat mayroong posted SSS contributions sa loob ng tatlong buwan habang kapag self-employed o overseas Filipino worker’s naman ay dapat may SSS contributions ng isang buwan.

“Hindi ito additional burden because this a voluntarily, hindi required ang miyembro mag-contribute so walang mandatory feature rito sa WISP Plus,” ayon kay Michael Regino, President & CEO, SSS.

“We created this program para all inclusive sa lahat ng SSS members makasali naman sila sa improve returns ng kanilang mga pera. Honestly, pinag-aralan namin ito ng ilang buwan kaya ngayon lang namin mailalabas pero I can proudly say this is the best savings programs for the working Filipino,” dagdag pa nito.

Papayagan din ang partial withdrawal ng kita ng miyembro sa ikalawang taon ng hulog at full earnings matapos ang 5 taon.

Pagtitiyak pa ng SSS na magiging ligtas ang investment ng mga maghuhulog sa WISP Plus na ilalagay sa government securities at mga corporate o multilateral institutions.

“Gaano ka safe, I will say its super safe if ever matumba na lang ang gobyerno, Pilipinas which is hindi mangyayari, we can guarantee you this is super safe,” aniya pa.

Simula ngayong araw ay maaari nang mag-enroll sa programa sa pamamagitan ng official website ng SSS na www.sss.gov.ph o kaya ay sa my.SSS portal.

Ikinagalak naman ng ilang miyembro nang malaman ang panibagong programa ng SSS para sa mga ordinaryong manggagawa.

“Malaking tulong lalot ako ay isang single parent lalo na ngayong napakahirap ng buhay, mahal ang bilihin. Malaking tulong yan sa akin lalot ang anak ko ay nag-aaral,” ayon naman kay Dolly Pacris, member, SSS.

“Oo, para sa kinabukasan ng aking anak, hindi para sa akin para sa anak ko na lang,” dagdag pa nito.

“Kung malaki ang maitutulong sa mga katulad ng miyembro ng SSS, ay willing talaga kasi malaking tulong sa pang-araw-araw din na kabuhayan sa mga panggastos di ba,” ayon naman kay Mark Anthony Dela Cruz, Member, SSS.

Follow SMNI NEWS in Twitter