SA sobrang init ng panahong dulot ng El Niño ay umabot na sa halos 20 bayan ang nagdeklara ng state of calamity, habang sa lalawigan naman ng Ilocos Sur tinatamasa ng ilang residente ang proyekto ng pamahalaan na solar water irrigation.
Ito ang makikita mo na naka-post sa ilang social media accounts at pages ng mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Kaliwa’t kanan na mga paalala ang inihahatid nito sa taumbayan dahil sa sobrang init ng panahon ngayong summer.
May mga lugar pa nga na kinansela ang pasok para lang hindi malagay sa panganib ang kalusugan ng mga mag-aaral.
Sa tala ng National Disaster Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) halos 20 bayan na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa matinding init ng panahon.
Base sa datos ng NDRRMC as of Abril 8, umabot na sa mahigit 100 libong pamilya ang apektado ng El Niño o katumbas ng nasa mahigit 500 indibidwal.
Habang 4 na rehiyon, 15 probinsiya, 60 siyudad o munisipalidad at mahigit 90 barangay ang iniinda ang mataas na temperatura.
Sa sektor naman ng agrikuktura ay umabot sa mahigit 20 libong magsasaka at mangingisda ang apektado ang hanapbuhay dahil sa init.
Pumalo naman sa mahigit 20 libong ektarya ng lupang sakahan ang natuyo dahil sa El Niño.
Proyektong Solar Water Irrigation Pump ng Ilocos Sur, malaking tulong sa mga residente ngayong El Niño
Dahil sa sobrang init ng panahon, ang mga lokal na pamahalaan ay puspusan ang ginagawang monitoring at pagbibigay ng solusyon para maibsan ang danyos na dulot ng El Niño.
Sa lalawigan ng Ilocos Sur na pinamumunuan ni Governor Jeremias “Jerry” Singson, solar water irrigation pump with desalination ang kanilang nakikitang solusyon upang makatulong sa mga magsasaka sa kanilang lugar.
Kilala ang probinsiya ng Ilocos Sur bilang agricultural area kaya naman ang solar water irrigation pump with desalination ay isang epektibong paraan ngayong tag-init upang patubigan ang mga pananim at pagkukuhanan ng malinis na tubig na maiinom.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Governor Jerry Singson sinabi nito na malaki ang naging epekto at tulong ng nasabing proyekto sa pang-araw-araw na pamumuhay sa mga taga-Ilocos Sur.
“Ay tuwang-tuwa po sila meron na nga sa tabi ng dagat sa coastal eh tuwang-tuwa sila kasi naiinom, binobote nila parang bottled water para sa barangay nila tapos irrigation ang ibang tubig na ‘yan tapos sa mga regular na solar water irrigation tuwang-tuwa sila kasi libre na ang patubig nila,” pahayag ni Gov. Jeremias “Jerry” Singson, Ilocos Sur.
Sa ngayon hindi pa lahat ng bayan sa probinsiya ang mayroong ganitong sistema ngunit target ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur na lahat ng barangay sa kanilang lugar ay malagyan ng libreng solar water irrigation.
“Per barangay lahat ng barangay namin bibigyan ko ng solar water irrigation pump eh ‘yung malalaking barangay depende kung kailangan ng tatlo apat bibigyan ko ng ganun.”
“Ito ngayon solar wala na libre, wala silang gastos” ayon pa kay Singson.