INIHAYAG ng Manila Meat Dealers Association na pahirapan ng makakuha ng suplay ng lokal na karneng baboy matapos ang implementasyon ng Department of Agriculture (DA) sa Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa baboy sa mga pamilihan. Ngayon ay dalawang beses na lamang sa isang linggo sila nabibigyan ng suplay.
Batay sa price monitoring ng DA, ang pinakamurang bentahan ng karneng baboy sa ilang mga palengke sa Metro Manila ay naglalaro sa P340 kada kilo ang pork kasim habang P355 kada kilo naman sa pork liempo.
Pero, may ilan ding umaabot pa rin sa P470 kada kilo ang pork liempo habang P410 kada kilo naman sa pork kasim.
Sinabi ng DA, may bahagya nang pagbaba sa presyo nito ngayon kumpara sa mga nakaraang buwan na pumalo sa P470 kada kilo.
Bagamat bahagyang nakatulong sa presyuhan ng karneng baboy ang SRP, kabaliktaran naman ang naramdaman ng iba.
Sabi ng Manila Meat Dealers Association, may ilang mga hog producer ang hindi tumalima sa itinakdang farm gate price.
“Kaya lang, ‘yung ibang tindera na kaparehas namin na mataas ang kuha sa farm hindi rin nila medyo na sinabi sa kanila ng Department of Agriculture na dapat ang farm gate lang nila ay P230. Ang karamihan sa kanila ay hindi naman nasunod ‘yun,” pahayag ni Ricardo Chan, President, Manila Meat Dealers Association.
Pahayag ng grupo, may iba na umaabot pa rin sa P240 – P245 ang farm gate price na posibleng maging dahilan sa pagsipa naman sa presyo ng baboy sa merkado.
Ang pinakamalala pa aniya ngayon ay ang agawan ng mga dealer sa pagkuha ng suplay ng mga karneng baboy.
Ayon kay Chan, limitado lang ang ibinibigay sa kanila na suplay ng mga supplier.
“Sa panahon ngayon ay medyo kulang pa talaga ang suplay natin sa baboy dahil mismo kami nahirapan kami sa paghahanap ng pagkukunan. Mayroon diyan sa parteng Rizal nagbababa sila, ang ano lang… ay hindi naman sila makapagbigay ng marami. Kaparehas sa akin sa loob ng isang linggo ay dalawang araw lang puwedeng kumuha, next week na ulit,” pahayag ni Chan.
Babala niya, kapag limitado lang ang suplay ay baka posibleng makaapekto ito sa presyuhan ng karneng baboy.
May ibang supplier ang nananamantala rin sa presyo kaya may ilang retailers na nakapagbebenta sa presyo na hindi pasok sa MSRP ng DA.
“Lahat ng mga hindi sumusunod ay kausapin nila, bakit? Ano ang dahilan? Magkano ba ang operating cost niyo? Malalaman natin kung gaano kalaki ang kinikita nila,” panawagan nila Chan sa pamahalaan.
DA, aminado na kakaunti lang na mga pork retailer ang sumusunod sa Maximum SRP
Ang pahayag naman na ito ng asosasyon ay hindi rin nalalayo sa pahayag ng DA.
Aminado ang ahensiya na maraming mga pork retailer sa Metro Manila ang hindi nakasunod sa MSRP.
“’Yung MSRP sa pork ang level of compliance ng ilang stalls ito more than 170 na monitor ay 20% lang ang compliance doon sa nagtitinda. ‘Yun ‘yung tutukan ngayon kung paano talaga – kasi nakikita natin dito from the producers side talagang mababa na ‘yung farm gate from P250, naging P230 ‘yung iba ay naging P220. Bakit hindi makarating ng P300 when in fact na they agreed na P70 lang dapat ‘yung profit margin ng mga biyahero,” pahayag ni ASEC. Arnel de Mesa, Spokesperson, Department of Agriculture.
Ipinagtataka rin ng DA kung bakit mababa lang ang compliance sa MSRP sa baboy kumpara sa MSRP sa bigas.
“Kasi ang karneng baboy kapag kinatay ‘yan ubos ‘yan within the DA hindi kagaya ng bigas na kailangan mong iimbak a longer period. So, dapat itong karneng baboy ay dapat mas mabilis ‘yung dapat na pag-comply nila with MSRP,” ayon pa kay De Mesa.
Sabi ng DA, pag-aaralan nila ang mga isyu at sa kung bakit kakaunti lang ang sumusunod sa ipinatupad na kautusan.
Follow SMNI News on Rumble