HINDI dapat mabahala ang publiko, ito ang binigyang-diin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa tanong kung mayroon bang sapat na supply ng isda ngayong Kapaskuhan.
Pagtitiyak ni BFAR Chief of Public Information Nazario Briguera na walang kakulangan sa suplay ng mga isda sa bansa.
Ipinunto pa nito na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang hindi makulangan ng suplay lalo na ang mga imported na isda.
Lalo na ngayon na ipinatupad ang closed fishing season, kaya naman gumagawa ng hakbang ang pamahalaan upang matugunan ang supply demand.
Aniya, dahil sa ginawang hakbang ng pamahalaan, magiging sapat ang suplay ng isda.
Sa usapin ng presyo, sinabi pa ni Briguera na kapag kokonti ang suplay ng mga isda ay posibleng apektado rito ang presyo.
Mababatid na inanunsyo ng Department of Agriculture na ang Pilipinas ay mag-aangkat ng 25,000 metric tons ng isda para sa mga wet market.
Ito’y dahil sa closed fishing season na nagsimula ngayong Nobyembre 2022 hanggang Enero 2023.
Kabilang sa mga isda na aangkatin sa ibang bansa ay ang isda gaya ng galunggong, hasa-hasa, moonfish at marami pang iba.