WALANG nakikitang kakulangan sa suplay ng tubig ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Metro Manila at karatig-probinsiya sa kabila ng nararanasang matinding-init ngayong dry season.
Sa panayam ng SMNI News kay Engr. Patrick James Dizon, ang Acting Deputy Administrator ng MWSS, nananatiling sapat ang suplay ngayon ng tubig ng Angat Dam.
“Ang normal na elevation pagdating ng end of the year ay dapat na sa 212 para masuplayan natin ang ating pangangailangan sa susunod na taon. So, for this year nitong December 2024 ay nakapag-ipon tayo ng tubig para may magamit tayo this year,” wika ni Engr. Patrick James Dizon, Acting Deputy Administrator, MWSS.
90 percent ng tubig na ginagamit ng Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Rizal, at Bulacan ay nagmumula sa Angat Dam.
Sa kasalukuyan, nasa 207.4 meters ang water elevation ng dam, mas mataas ng 13 meters kumpara noong nakaraang taon kaya inaasahan na walang kakulangan sa suplay ngayong panahon ng tag-init.
“Since 2019, kung maaalala mo nagkaroon tayo ng kakulangan ng tubig. So, during that time in-update din natin ang ating natawag na water security road map. So ang ating road map na ito, tayo ay nag-conduct ng demand study sa ating service area so inincorporate natin dito ang ating population growth,” aniya.
Sa kabila naman nito, ilan sa mga hakbang na ginagawa ng MWSS ay ang pagdaragdag ng water sources sa Laguna Lake at Rizal upang lubos na matiyak na sapat ang suplay ng tubig.
Ang Phase 1 ng proyekto ay madadagdagan ng 600 million liters habang ang Phase 2 naman ay nasa 1800 million liters.
Sa huli, inihayag ni Engr. Dizon na bagamat matagal ang proseso mula sa pagkuha ng permit hanggang sa konstruksiyon ng proyekto, tuloy-tuloy ang kanilang paghahanda para sa sapat na suplay ng tubig at hindi na maulit pa ang naranasang water crisis sa Metro Manila noong 2019.