Suspendidong BuCor Chief Bantag, itinuturing ng NBI at PNP na nasa likod ng pamamaslang kay Percy Lapid at sa middleman

Suspendidong BuCor Chief Bantag, itinuturing ng NBI at PNP na nasa likod ng pamamaslang kay Percy Lapid at sa middleman

ISINAMPA na ngayong araw ang kasong murder sa mga hinihinalaang suspek sa Percy Lapid at Jun Villamor Slay.

Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ay ang suspendidong BuCor Chief na si Gerald Bantag.

Ngayong araw, dumating sa Department of Justice (DOJ) ang NBI at PNP para sampahan ng kaso ang mga nasa likod at suspek sa pagkamatay ng mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilalang si Percy Lapid at ng sinasabing ‘middleman’ sa pamamaslang na si Jun Villamor na isang inmate sa New Bilibid Prison.

Ang lumalabas na ‘masterminds’ sa imbestigasyon ng PNP at NBI, ay si suspendidong BuCor Chief Gerald Bantag at si BuCor official Ricardo Zulueta.

Pareho silang kinasuhan ng murder ngayong araw dahil sa pagkamatay ni Lapid at Villamor.

Ayon sa imbestigasyon ng awtoridad mayroon silang direktang komunikasyon sa mga PDL para isakatuparan ang pamamaslang na nagbigay-daan para kontratahin si Joel Escorial.

Si Joel Escorial ay sumuko noong Oktubre 17 dahil sa takot matapos magbigay ng milyon-milyong reward money ang mga awtoridad para siya ay mahanap.

Ayon kay Escorial ang utos na patayin si Lapid ay galing sa loob ng NBP kapalit ng 550K.

Maliban kay Bantag at Zulueta, ay sinampahan din ng kasong murder ang mga PDL na sina Denver Mayores, Alvin Labra, Aldrin Galicia at Alfie Peñaredonda sa pagkamatay ni Lapid.

Sina Labra, Galicia at Peñaredonda ang mga nabanggit ni Jun Villamor sa dying declaration nito sa pamamagitan ng text na ipinadala sa kapatid na babae ng middleman sa wikang Bisaya ilang oras bago daw namatay ang middleman noong Oktubre 18.

Para naman sa pagkamatay ni Villamor, ilan pa sa mga PDL na kinasuhan ay sina Labra, Micosa, Mario Germones Alvarez, Joseph Medel Georfo, Christam Ramac, Ricky Lamigo Salgado, Ronnie Pabustan Dela Cruz, at Joel Alog Reyes.

Lumabas na umanoy motibo sa pamamaslang kay Lapid ay ang expose nito laban kay Bantag.

Pinagbasehan ng kaso laban kay Bantag at Kay Zulueta ay ang mga testimonya ng mga PDL sa loob ng BuCor.

Wala pang pisikal na ebidensya na magtuturo na si Bantag nga ang mastermind sa mga pagpatay.

Sinabi naman ni Sec. Remulla na may karapatan si Bantag na ipagtanggol ang kaniyang sarili.

Ayon kay Remulla pagkatapos ng filing ng murder charges ay ididiretso ito ng DOJ sa korte.

Si DILG Sec. Benhur Abalos, pinasusuko na si Zulueta na ngayon ay nagtatago na.

Si Bantag ay minomonitor na rin ng mga awtoridad, pero wala pang arrest order para sa kaniya ayon sa NBI.

Umapela naman si Remulla kay Bantag na sumuko na rin ito sa mga awtoridad.

Pero inamin ng kalihim na ikinalungkot niya na nadidiin sa kaso si Bantag.

 

Follow SMNI News on Twitter