Suspensyon sa pagpapawalang-bisa ng VFA, pinalawig pa ni Pangulong Duterte

Suspensyon sa pagpapawalang-bisa ng VFA, pinalawig pa ni Pangulong Duterte

PINALAWIG pa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng anim na buwan ang suspensyon sa pagpapawalang-bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Ito ang anunsyo ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teddy Boy Locsin matapos ang isinagawang pagpupulong kasama ang pangulo at si Ambassador Jose Romualdez.

 “The president conveyed to us his decision to extend the suspension of abrogation of the visiting forces agreement by another six months,” pahayag ni Locsin.

Ani Locsin, ginawa ang nasabing desisyon upang mas lalo pang pag-aralan ang aspeto ng naturang kasunduan.

“While the studies for both sides further address his concerns regarding particular aspects of this agreement,” dagdag ng kalihim.

HEAD 2: Maraming idudulot na maganda sa Pilipinas

Samantala,  binigyang-diin ni StratSearch Foundation Executive Director at Political Analyst Professor Clarita Carlos na hindi one-sided ang  VFA sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Magugunitang ang VFA ay isang kasunduan kung saan mag-dedeploy ng American forces sa Pilipinas na siyang nagbibigay daan para sa mga aktibidad tulad ng Balikatan, o malakihang joint military trainings at iba pa.

Pebrero 11 nakaraang taon nang nagpadala ng notice to terminate ang Pilipinas sa Estados Unidos subalit sinuspende naman agad ito noong Hunyo 2020 sa loob ng anim na buwan.

November 12, 2020 nang muling pinalawig ang suspension ng termination ng VFA sa loob muli ng anim na buwan.

Subalit ayon kay Prof. Carlos, payag siya na i-review ang naturang agreement sa ilalim ng mutual defense treaty dahil marami itong naidudulot na maganda sa bansa.

“Tayo ang gago kung lalagda tayo d’yan. Huwag silang magsabi na one-sided kasi lumalagda tayo ‘dyan. Our signature is there as the Republic of the Philippines. Pabor ako sa pag-review ng Mutual Defense Treaty (Visiting Forces Agreement.),” pahayag ni Carlos.

Sa kasalukuyan, pinagdedesisyunan pa ni Pangulong Duterte kung ihinto na o ipagpatuloy pa ang VFA.

(BASAHIN: Duterte, nanawagan ng opinyon mula sa publiko sa desisyon kaugnay sa VFA)

SMNI NEWS