Duterte, nanawagan ng opinyon mula sa publiko sa desisyon kaugnay sa VFA

HINDI makapagdesisyon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa magiging kapalaran ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at ng Amerika.

Nais aniya ang opinyon ng publiko sa kontrobersyal na defense deal.

“I will be talking about the Visiting Forces Agreement na pinag-usap usapan na ngayon. And I said I must be frank, I do not keep secrets to the people. I have not yet, as yet, decided on what to do. Meaning to say, to abrogate or renew (ang suspensyon ng terminasyon), because I want to hear the people,” pahayag ng Pangulo.

Matatandaan na sinabi ni Pangulong Duterte na kailangang magbayad muna ang Amerika bago isaalang-alang muli ang nauna nang planong rebokahin ang VFA.

Humakot ang nasabing pahayag ng Pangulo ng maraming reaksyon kabilang na sa mga opisyal ng gobyerno.

Sinabi ng Pangulo na ikokonsidera nito ang katayuan ng publiko at ng mga mambabatas kaugnay sa nasabing usapin.

“I want the narratives to come up, not necessarily from the (lawmakers). Well, of course they count very much pero hindi limitado dito sa Congress,” ayon pa sa Pangulo.

Pinayuhan ng Pangulo ang publiko na magbigay ng kanilang opinyon sa pamamagitan ng 8888 citizen’s complaint hotline ng gobyerno.

“Ordinary mamamayan can have the say and I said there’s always the 8888 and you can enter your objections or any comment that you think would help the country. Pati kami dito, matulungan ninyo,” aniya.

SMNI NEWS