HINDI daw siya nagsinungaling! Ito ang iginiit ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo sa panayam ng media sa Kampo Crame.
Tugon ito sa mga naging pahayag ni Senator Bong Go nang dumalo ito sa pagdinig ng Senado kaugnay sa ilegal na pag-aresto at pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa senador, maraming beses nang nagsinungaling si Fajardo at tila hindi na sa Konstitusyon ang katapatan nito.
Sabi naman ni Fajardo, wala siyang binibitawang pahayag na hindi kumpirmado o hindi totoo.
Nagpaliwanag din siya sa isyu na tinakbuhan niya umano si Senador Go sa labas ng Villamor Air Base noong naganap ang pag-aresto sa dating pangulo.
Matatandaang mismong si PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang nakita sa lugar, habang ang operasyon naman ay pinangunahan ni CIDG Director PMaj. Gen. Nicolas Torre.
Samantala, iginiit din ng PNP na hindi sila nagsisinungaling kaugnay ng mga pulis na umano’y nakitang umiiyak para kay dating Pangulong Duterte.
Ayon kay Fajardo, wala umanong pulis na umiiyak sa lugar—pawis lamang ito dahil sa mainit na panahon at makapal na uniporme ng mga pulis.
Sa kabila ng ginawang pagdinig sa nangyaring pag-aresto kay dating Pangulong Duterte, mas marami pa rin ang hindi kumbinsido sa proseso ng pagdakip at ang mabilisang pagpapadala nito sa kamay ng mga dayuhan.
Matatandaang marami ang kumontra sa ginawa ng PNP, lalo na sa sinasabing paglabag sa Article 59 ng Rome Statute.
Wala ring sapat na panahon ang kampo ni Duterte para gamitin ang kanilang legal remedy, kabilang na ang constitutional rights ng akusado.
Bukod pa rito, walang inilabas na ICC warrant—isang diffusion letter lamang mula sa Interpol ang natanggap ng pamahalaan.
Sa huli, kinuwestiyon ang naunang pahayag ng PNP na hindi ito makikipag-ugnayan sa ICC, alinsunod sa posisyon ng gobyerno noon—subalit kabaliktaran naman ito ng naging aksyon sa dating pangulo.