HANGGANG alas-12 ng tanghali lamang bukas ang tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City ngayong araw, Disyembre 21, 2022.
Ito ay upang magbigay-daan sa idaraos na 48th Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 Parade na inorganisa ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ginawa ang hakbang upang maiwasan ang posibleng traffic congestion sa ilang bahagi ng lungsod.
Batay sa una nang abiso na inilabas ng MMDA, magsisilbing host sa Parade of Stars na may temang “Balik Saya sa MMFF 2022” ay ang local government ng Quezon City.
Ang parada na katatampukan ng float ng walong pelikulang kalahok sa festival ay magsisimula sa Welcome Rotonda-Quezon Avenue hanggang Quezon Memorial Circle ng alas-2 ng hapon.
Nasa 7.36 kilometro naman ang total length ng parada at tinatayang aabot sa 2 oras at 30 minuto ang travel time.
Ang stage area naman para sa mga float ay sa kahabaan ng E. Rodriguez hanggang D. Tuazon.
Magtatalaga ang MMDA ng mga traffic enforcer para umasiste sa daloy ng traffic at sa crowd control.