SA impormasyon na ibinigay ng Philippine National Police (PNP), sinibak na ang isang tauhan ng Criminal Investigation and Detection (CIDG) na dapat sana’y nagbabantay sa naarestong pulis din na si Sgt. Ulysses Pascual na primary suspect sa pagpatay kay ABC President Ramilito Capistrano at driver nito sa Bulacan nitong nakaraang linggo lamang.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, nagpabaya ang bantay na pulis matapos na hindi na bumalik si Pascual sa CIDG dahil sa kinakaharap nitong kaso.
Magugunitang dinala sa Kampo Krame at dinisarmahan si Pascual matapos na matukoy na isa ito sa mga responsable sa pagpatay kay Capistrano kung saan nasa mahigpit na itong pangangalaga ng CIDG.
Mula rito, nananatiling at large sina Pascual, pinsan nitong si Cesar Mayoralgo Gallardo, alias Lupin at alias Justin – bagay na hindi tumitigil ang mga awtoridad sa paghahanap sa kinaroroonan ng mga suspek.
Nasa AWOL status na rin ang pulis kaya agad na ipina-revoke ang lisensiya ng mga baril na nasa ilaim ng pangalan ni Pascual.
“So, on AWOL status na siya and pati ‘yung nag-apply na rin mismo ang CIDG for the revocation ng mga baril. It appears na marami pong baril ang naka-register under his name. so, pinare-revoke na ng CIDG,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.
Iba pang suspek sa pagpatay sa ABC Pres. sa Bulacan, nananatiling at large─PNP
Para sa mabilis na pagtunton sa grupo ni Pascual, naglabas na rin ng reward money ang LGU ng Bulacan para sa ikadarakip ng mga ito.
500k pabuya, inilabas ng Bulacan LGU para sa ikadarakip ng mga suspek sa pagpatay sa ABC President ng lalawigan
“Naglabas din ng reward na P500,000 ang LGU ng Bulacan for anyone who could provide information that will lead to the arrest and location nitong si Sgt. Pascual, Gallardo, alias Lupin at alias Jeff,” ani Fajardo.
Sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon, hindi pa matukoy ng PNP ang pangunahing motibo sa pagpatay kay Capistrano pero naniniwala ang PNP na ginamit lamang sina Pascual at mga kasamahan nito sa utos ng isa umanong tao o mastermind para gawin ang pamamaslang sa biktima.
“Hindi pa natin ngayon ma-single out kung ano ‘yung motibo until such time na mapin-point natin ‘yung mastermind because it appears na itong mga suspect na sinampahan ng kaso were just the instrument na ginamit nitong mastermind para patayin nga ito si Capistrano na nadamay pa ‘yung kanyang driver,” aniya.
Nariyan din anila ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ni Capistrano ang dahilan ng pagpatay sa kaniya pero mas mainam pa rin anila na mahuli ang mga suspek para matuldukan na ang kaso.
“Hindi natin inaalis ‘yung possibility na ito ay work related at sa ngayon ay ‘yung direction ng investigation at since naisampa na itong kaso, the OIC of Bulacan po informed us that the CIDG will be the primary unit now that will conduct manhunt against these personalities,” aniya pa.