NOONG nakaraang buwan, nagsagawa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) nang sabay-sabay na raid sa isang iligal na pabrika ng sigarilyo sa Bulacan at tatlong (3) iligal na warehouse sa Valenzuela.
Lahat ng mga ito ay hinihinalang kabilang lang sa iisang grupo ng mga negosyante.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., nasa mahigit labing isang milyon (11,513,049) ang nakumpiskang pakete ng iligal na sigarilyo.
Humigit-kumulang 8.5 bilyong piso (Php 8,544,809,067.50) ang naitalang tax liabilities dito.
Kasama rin sa kinumpiska ang mga materyales at mga makina. Hinuli naman ang limang Chinese nationals na nagpapatakbo ng pabrika at warehouse.
Ang nasabing raid sa Bulacan at Valenzuela ay maituturing na pinakamalaking operasyon daw ng BIR laban sa illicit cigarettes para sa taong ito.
‘’Ito ang pinakamalaki ngayon taon na ito. Ang nakuha natin dito, walong malalaking equipment na gumagawa ng sigarilyo, kaya kada araw malaki ang napo-produce nitong factory ng sigarilyo na ito. At marami ring taong involved, hindi lang yung chinese nationals,’’ ayon kay Romeo Lumagui, Jr. Commissioner, BIR
‘’Ang nakita natin doon, mahigit 150 na nanggaling sa probinsiya at pinangakuan sila at sinabi ay construction ang nature ng magiging trabaho at pagdating ay pagawaan pala ng sigarilyo ang nadatnan nila,’’ ani Lumagui, Jr.
Samantala, nahuli naman ang isang tindahan sa Tomas Morato, Quezon City na patagong nagbebenta ng illicit vape sa kanilang “secret menu”.
Nadiskubre roon ang iligal o illicit vape “menu” na hindi naka-display, kundi nakatago sa isang bodega sa likod ng kanilang tindahan.
‘’So, kung titingnan mo lang visually, kapag pumasok sa tindahan mukhang compliant iyong mga ibinebenta, pero kapag mayroon kang tinanong or minsan, bibigyan ka ng isang booklet na ipapakita sa iyo, ito pa iyong nakatago namin,’’ saad nito.
Saad ng BIR, huli sa akto ang tindahan na nagbebenta ng vape na walang selyo o internal revenue stamps. Wala rin silang binibigay na resibo sa mga bumibili ng illicit vape.
Ipinahayag naman ni Lumagui na maraming kasong kakaharapin ang mga nagtitinda ng iligal na produktong ito.
‘’Dahil unang-una diyan iyong possession ng mga excisable articles na hindi bayad ang excise tax, kaso na po iyan. Of course, nandiyan po ang kaso ng tax evasion at nandiyan na rin iyong violation ng tax stamps at iyong panibagong Vape Law,’’ ayon nito.