NAHAHARAP sa tensiyon ang Kiryat Shmona, isang siyudad sa hilagang rehiyon ng Israel na nasa Demarcation line ng Lebanon dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Israel at Lebanese armed group na Hezbollah.
Mayroon itong populasyon na 24-K pero patuloy itong nakararanas ng rocket at mortar attacks simula noong Oktubre 8, 2023.
Ang Lebanon-Israel border ay nakararanas ng malaking tensiyon matapos na magpalipad ng rockets ang Lebanese armed group na Hezbollah sa Israel bilang suporta sa pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023.
Ayon sa Lebanese security sources, ang komprontasyon sa pagitan ng Hezbollah at Israel ay nagdulot sa pagkasawi ng 316 katao sa panig ng Lebanon.
Samantala, pinaniniwalaan namang naglunsad ng 40 missile ang Al Qassam Brigades, military wing ng Hamas mula sa Timog ng Lebanon patungo sa Hilagang rehiyon ng Israel.
Ang ilan umano sa mga missile na ito ay tumama sa Kiryat Shmona sa isang residential building roon.
Ang Kiryat Shmona ay isa sa pangunahing agrikultural na lugar sa bansang Israel pero ang mga aktibidad roon ay nasuspinde dahil sa pangamba sa seguridad.