Testigo na dati’y nag-akusa ng iregularidad kay Bong Suntay umaming tinakot lang ng kampo ng kalaban

Testigo na dati’y nag-akusa ng iregularidad kay Bong Suntay umaming tinakot lang ng kampo ng kalaban

HINDI na kinaya pang manahimik ng testigong minsang ginamit upang siraan si Attorney Bong Suntay, na ngayon ay tumatakbo sa pagka-kongresista sa ika-apat na distrito ng Quezon City.

Bumaliktad si Kevin Roissing, alyas Angel, na dati’y nag-akusa ng iregularidad at nagsulong pa ng diskwalipikasyon laban kay Suntay.

Si alyas Angel, na binansagang ‘vote buying witness,’ ang humarap at nagsiwalat sa maling ginagawa ni Suntay sa pamimili umano ng boto.

Kuwento niya, nagsimula ang lahat noong Marso 29, nang inimbitahan siya ng kampo ni Rillo sa MC Rillo Building sa E. Rodriguez, Quezon City sa paniniwalang may trabahong iaalok sa kaniya bilang isang political host.

Ngunit ang inaasahang oportunidad ay nauwi sa umano’y pananakot.

“Kaya sabi nila na kung kaya namin kasuhan si Malou Chua ng 69 counts ng cyberlibel kaya rin namin kasuhan ‘yung kapatid mo. Kung hindi sila titigil o hindi namin mapatahimik sa social media ay kaya namin silang patahimikin. So, doon ako natakot kasi iba na ‘yung salita na patatahimikin […] siyempre iba na ‘yung tumatakbo sa isip ko. Kaya, pakiusap ko sa kanila na since nandito na ako sa harapan ninyo ay huwag niyo lang idamay ang kapatid ko […] ginawa ko ‘yung mga bagay na ‘yun para isakripisyo ‘yung sarili ko kaysa sa gagawin nila sa kapatid ko,” ani Kevin ‘Angel’ Roissing.

Sinabi pa ni Roissing, dahil sa takot ay napilitan siyang makipagtulungan sa kampo ng mga Rillo kapalit ng kaniyang pagsunod sa paggawa ng mga video interviews na scripted.

Binayaran aniya siya ng hanggang P100,000 ng kampo ni Rillo.

Kuwento niya, hindi siya pinayagang umalis ng gusali hangga’t hindi natatapos ang mga inihandang script para sa kaniya.

Itinuro niya si Atty. Jesus Falcis bilang umano’y utak sa paggawa ng mga kuwento laban kay Suntay.

Dagdag pa ni Roissing, edited umano ang mga ebidensiyang ginamit sa reklamo sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng umano’y pamimili ng boto ni Suntay sa ilalim ng networking scheme na kanilang tinatawag na AKO@WALO.

Hindi pa aniya natapos ang panggagamit sa kaniya ng kampo ni Rillo at paulit-ulit siyang binantaan na patatahimikin, dahilan kung bakit itinago siya sa isang safe house na pagmamay-ari lang din ng isang opisyal ng QC.

“Lagi pong sinasabi sa akin ni Atty. Falcis na Kevin huwag ka nang bumaliktad. Subukan mong kumanta sa mga Suntay kung hindi ka kayang ipapatay ng mga Suntay ibahin mo ako kaya kitang ipahamak, kaya kitang ipapa-patay. ‘Yan po ang sinasabi niya sa akin ng paulit-ulit po,” ani Roissing.

Upang hindi aniya bumaliktad si alyas Angel, iba’t ibang pangako pa ang inalok sa kaniya.

Kabilang na aniya ang pagpunta niya sa Hong Kong at Dubai, at maging ang pangarap niyang gender reassignment surgery.

Pero dahil na rin aniya sa takot niya sa posibleng mangyari sa buhay niya pagkatapos ng eleksiyon, ay minabuti niyang tumakas sa safe house kung saan siya itinago ng ilang araw.

Umabot aniya kasi sa punto na plano ni Atty. Falcis na ‘assassination’ ang datingan upang mapagbintangan si Atty. Suntay, bagay na hindi sinang-ayunan ni alyas Angel.

Kaya, matapos siyang makatakas sa safe house ay agad siyang umuwi sa kanilang bahay sa kaparehong lungsod.

Sinabi naman ni Atty. Spocky Farolan, abogado ni Suntay, mismong ang pamilya ni Roissing ang lumapit sa kanila upang isiwalat ang diumano’y planong paninira ng kampo ni Rillo.

Kaya’t nagdesisyon silang isalba si alyas Angel upang mailabas ang katotohanan.

Naipasa na umano sa COMELEC ang affidavit at video ni Roissing na pumapawalang-bisa sa mga naunang alegasyon laban kay Suntay.

Ayon pa kay Farolan, dumulog na rin sila sa QCPD Station 10 upang magpa-blotter kaugnay ng mga bantang natatanggap ng pamilya Roissing.

Mga ginawang paninira para ma-diskwalipika si QC congressional candidate Bong Suntay, mala-sindikato ayon sa kaniyang abogado

Dagdag pa ng abogado ni Suntay, mahahalintulad sa isang sindikato ang mga ginawa ng kampo ni Rillo upang sirain si Atty. Suntay.

“Kapag ka tatlong tao ang involve as syndicate na ‘yan o syndicated na ‘yan large scale illegal recruitment na ‘yan kapag lagpas tatlo na ‘yung biktima […] So, kung titingnan mo ‘yung tao at network na involve, makikita kung tama ang alegasyon […] lumalabas na isa po talagang network ng kasamaan […] kasi parang may ganito ang ginagawa may pera, socmed may role playing pa. So, paraang is in conspiracy and everythings wants to be in on it. May nabanggit pa nga doon sa kanyang video na may iba pang opisyal ng lungsod ang involve […] Kaya ‘yung sa kasagutan mo na mukha bang may sindikato maaaring hindi nila tawaging sindikato pero kung totoo po ito na lumalabas na kilos sindikato,” wika ni Atty. Spocky Farolan | Legal Counsel of Atty. Bong Suntay.

Dagdag pa ni Atty. Farolan, hindi dapat balewalain ang mga ganitong pamamaraan upang sirain ang isang kandidato.

Sa ngayon, isinasapinal na ng kampo ni Suntay ang mga legal na hakbang upang panagutin ang mga nasa likod nito.

Samantala, bukas naman ang SMNI News sa kampo ni Rillo patungkol sa nasabing isyu.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble