Teves kay Bantag: Parehong-pareho ang script

Teves kay Bantag: Parehong-pareho ang script

KINUMPARA ni suspended Congressman Arnie Teves ang kaniyang sinapit kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa kamay ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa isang virtual press conference, sinabi ni Teves na ‘parehas’ umano sila ng pinagdaanan ni Bantag na ngayon ay kinasuhan at pinaghahanap na ng mga awtoridad matapos madawit sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Si Teves naman ngayon ang sinasabing mastermind sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Duda naman ang suspendidong mambabatas na may nagpapasikat na opisyal para idiin silang dalawa ni Bantag sa mga kinasasangkutan nilang isyu.

“Bakit yung kay Percy Lapid grabe din yung imbestigasyon? Bakit? Dahil ba si Bantag ang gusto iyong ituro para sumikat kayo? Bakit ganon? Dapat ang batas ay pantay para sa lahat. At dapat ang imbestigasyon para sa lahat pantay din,” diin ni Teves.

Sa huli, hindi na umaasa ng patas na pagdinig si Teves mula sa Department of Justice lalo na’t may hatol na aniya sa kaniya kahit wala pang kaso at hindi pa tapos ang imbestigasyon sa Degamo Slay case.

Follow SMNI NEWS in Twitter