MATUTUNGHAYAN na ng sambayanang Pilipino ang The Deep Probe: The SMNI Presidential Candidates Interview na talaga namang inaabangan na ng taumbayan bukas, Marso 26.
Magkakaalaman na kung sino sa mga kumakandidato sa pinakamataas na posisyon ng pamahalaan ang may tunay na kakayahan at may malalim na kaalaman sa pagtugon sa iba’t ibang usapin at problema ng bayan.
Kung tunay nga bang may sapat na karanasan, at hindi suntok sa buwan ang mga pangako sa taumbayan.
‘Yan ang aabangan sa The Deep Probe: The SMNI Presidential Candidates Interview na magsisimula ng alas dos ng hapon sa Okada Manila.
Pangungunahan ito ng mga de kalibreng panelists na talaga namang pinaghandaan, pinag-aralan ang mga pahayag at bitbit na plataporma ng ating mga kandidato.
Kabilang na dito si University of the Philippines Political Science Professor at Political Scientist, Professor Clarita Carlos; Telecommunication and Franchise Lawyer at seasoned lawmaker Atty. Rolex Suplico, Chairman and CEO ng The Manila Times, Dante ‘Klink’ Ang II at nagtuturo sa international relations and international diplomatic negotiations and subjects at anchor ng SMNI, si Sass Rogando Sasot.
Pero bakit nga ba dapat malalim, matalino at seryoso ang mga itinatanong sa mga kumakandidato sa pagkapangulo?
“Yung Chief Executive nakadapa yan sa napakalalim at napaka-complicated na subject areas, kaya kung sila ay pupunta sa larangan na yan they better have something in between their ears kasi yan hindi minimemorize eh especially in a crisis situation, sarili mo lang talaga ang pagbabasehan mo, angking talino o angking kabobohan, if it’s not there, it’s not there. That’s the reason why we demand so much of them,” pahayag ni Prof. Carlos.
“Kasi ang tatakbuhin ng taong ito ay presidente ng Pilipinas hindi ito basta-bastang trabaho at kaya dapat sila ay tanungin ng mga tanong na magpapakita unang-una kung paano sila magdesisyon at kung ano ang laman ng kanilang utak ano ang dadalhin nila sa pagkapresidente na ang pundasyon nila bilang tao pag naging presidente na sila. So hindi ito trabaho na tulad ng pangkaraniwang Pilipino. The next six years will have a huge impact on the lives of not just the current generation but the generation that would come after this generation so dapat talagang suriin nang mas malalalim ng mga tatakbong president,” ayon naman kay Sasot.
“Alam mo dapat tanggapin natin na ang opisina ng presidente ng Republika ng Pilipinas ay napakaimportanteng opisina. Pwede natin ihalimbawa ito sa kapitan ng barko ang kapitan ng barko ay nag ma-manage patakbo ng isang barko,” pahayag ni Atty. Suplico.
“So dapat ang ating pagtiwala sa isang kapitan ay susuriin natin, tanungin natin kung ano ang kaniyang kakayahan, tanungin natin ano ang kaniyang mga opinyon sa mga bagay-bagay na maaring masalubong ng barko natin sa anim na taon,” dagdag ni Suplico.
“Mabibigat ang hamon ng panahon at bago pa dumating ang pandemic malaking challenges talaga ang kinakaharap ng isang developing country tulad ng Pilipinas, so siguro dahil sa mga rason na yan, nararapat lang talaga pag-usapan, busisihin kung ano ba talaga ang plataporma, plano ng mga kandidato natin para sa mga malalaking challenges at hamon sa bayan,” pahayag naman ni Ang.
Ganito nga susuriin at kikilatisin ng mga panel of expert ang presidential interview ng SMNI.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na marami ng naunang presidential debates, forum at interviews. Ano nga ba ang maihahain ng The Deep Probe na wala sa iba?
“As the term suggests some of these debates and interviews were really done not by subject matter experts. If you are not a subject matter experts you cannot follow through,” ayon kay Carlos.
“You see if you are not a subject matter expert you can’t broaden and deepen the subject area. This is not to denigrate journalists. This is something to be partial to subject matter experts,” dagdag ng propesora.
“Well, I think they can expect serious questions to serious issues like I said times are difficult especially now because of the pandemic and I think this requires an in-depth discussion on what the next government will do, not only to help the Philippine recover from the pandemic but to attain all of those objectives that were put on hold because of the global pandemic crisis,” ayon naman kay Ang.
“So itong Deep Probe, kakaiba ito kasi nga una – nakatutok ito sa kanilang platporma mismo kaya mas mapapalalim din ng mga tao sa pamamagitan ng mga tanong ng mga panelist you know more pointed and sharper questions,” pahayag ni Sasot.
“Ang mga panelist dito ay mga tao na hindi basta-basta sa kanilang profession. Ang mga kasamahan ko ay kilala niyo na ako ay isang telecom franchise lawyer since 1991, so yang mga katanungan ay based din dun, experience ko bilang isang abugado at bilang isang abugado at franchise lawyer. Dito ang nagtatanong ay may follow up, dito ang nagtatanong ay mga experts, hindi mga hosts, hindi nagbabasa ng mga questions na walang follow up, hindi nagbabasa ng questions na duda din ako kung naiintindihan nila ang tanong nila, dito po assured kayo, question dito ay pinag-aralan, pati na po ang follow up at yan po ay malalim na pang-uunawa,” pahayag ni Suplico.
Inaasahan namang dadalo bukas ang anim sa sampung presidential candidates kasama sina frontrunner Ferdinand Bongbong Marcos Jr., Ernie Abella, Norberto Gonzales, Ka Leody De Guzman, Faisal Mangondato at Dr. Jose Montemayor Jr.
Samantala, matapos ang hindi pagdalo sa naunang SMNI Presidential Debate, muli na namang umatras ang apat na mga kandidato: sina VP Leni Robredo, Manila City Mayor Isko Moreno, Sen. Ping Lacson at Sen. Manny Pacquiao.
Una nang sinabi ni Pastor Apollo C. Quiboloy na sa pamamagitan ng The Deep Probe magkakaalaman na sa mga kumakandidato kung sino sa kanila ang may kakayahan, kaalaman at may karapatang tumanggap ng boto mula sa matatalinong botanteng Pilipino.
Kaya naman naiiba ang format ng presidential interview na ito kung saan nakasentro sa mga ipinapangako ng mga kumakandidato para sa mga Pilipino.
“Isa-isang tatayo sila, dedebatihin nila ang limang panel. Pipigain natin ang mga utak ng mga aattend, kaya takot umattend ang iba. Bakit? Hindi ko naman sinasabi na wala silang utak pero kung may utak ka hindi ka matatakot,” pahayag ni Pastor Apollo.