BILANG pagsuporta sa vaccination campaign ng lungsod ng Davao, nakiisa ang mga miyembro ng The Kingdom of Jesus Christ para sa vaccination kontra COVID-19.
Kaninang alas-7:00 ng umaga, pinasimulan na mismo sa Kingdom of Jesus Christ headquarters ang pagbabakuna sa mga eligible na mga miyembro ng kongregasyon, partikular na ang mga napapabilang sa A2 o mga senior citizens, A3 o mga persons with comorbidities at A4 o mga essential workers.
Nasa 400 doses ng Sinovac COVID vaccines naman ang na-administer sa mga nagpapabakuna sa tulong na rin ng mga volunteer nurses and doctors at iba pang health workers mula sa Jose Maria College, College of Medicine.
Matatandaang paulit-ulit na ang panawagan ni Mayor Sara Duterte sa mga Dabawenyo, na magpabakuna kontra COVID-19, dahil napatunayan na ito ng mga pagsusuri at pag-aaral ng mga eksperto na epektibo ito pangontra sa COVID-19.
Suportado naman ito ng Executive Pastor ng The Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Samantala, patuloy ang panawagan ni Davao City COVID-19 Task Force spokesperson Dr. Michelle Schlosser sa publiko na patuloy na sumunod sa mga COVID-19 protocols at guidelines, at maging sa mga minimum health standards kahit bakunado na ang mga ito.