MULI na namang magkakasa ng 2-araw na tigil-pasada ang dalawang transport groups sa susunod na linggo kasunod ng napipintong pagtatapos ng konsolidasyon ng mga prangkisa sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Pamamasada ng jeep ang pinambubuhay ni Kuya Louie sa kaniyang dalawang anak.
Kayod kalabaw ito kada araw sa pagtra-trabaho para kumita ng pera pangtustos sa kanilang gastusin.
Nasa P3,000 ang kinikita nito sa arawang biyahe mula alas singko ng madaling araw hanggang alas siete ng gabi.
‘Yun nga lang, babawasan pa ito ng P1,000 na pambayad niya sa boundary o renta at P1,000 naman sa gasolina at ang matitira ay para sa pamilya.
Kaya, tuwing may nagsasagawa aniya ng mga tigil-pasada ay minabuti niyang hindi na lumahok.
Maliban sa walang maidudulot na maganda para sa kanilang mga tsuper ay uuwi rin siyang luhaan.
Sa Abril 15 at 16, 2024, muli na namang magsasagawa ng tigil-pasada ang mga grupong karaniwang tumututol sa mga programa ng gobyerno para sa sektor ng transportasyon.
Kasunod na rin ito ng nalalapit na deadline ng consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program sa katapusan ng buwang ito.
Pero, kung ang ilang pasahero naman ang tatanungin, perwisyo ang idinidulot na mga tigil-pasada ng PISTON at Manibela.
Mas makabubuti kung idaan anila ito sa maayos na usapan kasama ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay palaging nakahanda tuwing may ikinakasang transport strike.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes, ito ay kahit pa halatang-halata na wala namang epekto sa public transport ang naturang aktibidad.
“Based on our experience, halos hindi naman ganoon ‘yung disruption. Hindi naman po ganon ‘yung epekto kahit sabihin na dito sila maraming miyembro. Very minimal po ‘yung disruption eh, pero just the same ay handa ang ating pamahalaan na tumugon,” ayon kay Atty. Romando Artes, Chairman, MMDA.
PISTON at Manibela, walang kadala-dala ayon sa isang transport group
Hindi naman aniya mawawala ang iba’t ibang assets ng pamahalaan na maaaring i-deploy sa oras na kakailanganin ang mga ito.
Pero, tuwing strike ay hindi lahat ng mga sasakyan na nakahanda ay ginagamit dahil hindi naman ito makakaparalisa sa public transport.
Ang grupong Pasang Masda at Magnificent 7 na kabilang sa malalaking transport groups sa bansa ay hindi makikilahok sa tigil-pasada ng dalawang grupo.
Dahil, para kay Obet Martin ng Pasang Masda.
“Wala na ba silang kasawa-sawa? Ito na naman tayo, tigil-pasada na naman. Wala na pong kadala-dala. Sa mahabang panahon, nakaraang taon pa lagi na lang tigil-pasada ang ginagawa nila may nakuha ba silang after their strike? Kasi ang pag-aaklas ay ito ay isang ultimatum na laban na dapat mong makuha pero wala pong nangyari. Ang nangyari ay puwerwisyo sa taumbayan,” ani Obet Martin, Presidente, Pasang Masda.
Pulis na ide-deploy sa araw ng tigil-pasada sa susunod na linggo, tiniyak ng MMC
Makakaasa aniya ang mga pasahero na may mga masasakyan silang jeep sa susunod na linggo.
Pero, hiling ni Martin, magdeploy ng maraming pulis sa kalsada lalo’t may mangilan-ngilang tsuper ang nananakot, nambabato at nambubutas ng gulong ng dyip na ayaw sumali sa kanilang tigil-pasada.
Bagay namang tiniyak ni San Juan City Mayor Francis Zamora na siya ring Presidente ng Metro Manila Council (MMC).
“Tawagan ko rin po personally si NCRPO Head Gen. Artates to ensure that the police personnel and all of this 17 LGUs in Metro Manila will be on the ground,” ayon kay Mayor Francis Zamora, San Juan City.
Bukod sa MMDA, nakahanda rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa ide-deploy na libreng sakay kung kakailanganin.
“Rest assured, “libreng sakay” vehicles will once again be dispatched to assist affected commuters,” ayon naman kay Asec. Teofilo Guadiz III, Chairman, LTFRB.
Binigyang-diin ng ahensiya na pinal na ang nalalapit na deadline ng konsolidasyon alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Additionally, the LTFRB emphasizes that PUV consolidation must be completed by April 30, as mandated by President Bongbong Marcos, as it is integral to the modernization program,” dagdag pa ni Guadiz.
LTFRB, binigyang-diin na kakanselahin na ang prangkisa ng mga hindi makakahabol sa konsolidasyon ng PUV modernization
Sa ngayon, nasa 77.68% na ng mga PUV operator sa buong bansa ang nakapag-consolidate para sa naturang programa.
Mula sa naturang bilang, 52.54% dito ay sa Metro Manila na katumbas ng higit 26,000 units ng PUV.
Asahan na kapag hindi nakahabol sa konsolidasyon ang sinumang PUV operator ay awtomatikong mapapaso ang kanilang prangkisa.
“Jeepney operators are urged to avail of the final extension, as those who fail to consolidate by the deadline will have their franchises revoked,” paglilinaw ni Guadiz.