Timor-Leste Pres. Jose Ramos-Horta, inimbitahan si PBBM na bumisita sa kanilang bansa

Timor-Leste Pres. Jose Ramos-Horta, inimbitahan si PBBM na bumisita sa kanilang bansa

NAGPAABOT ng imbitasyon si Timor-Leste President Jose Ramos-Horta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para bumisita sa kanilang bansa.

Ang naturang imbitasyon ay ginawa sa gitna ng bilateral meeting ng dalawang lider sa Palasyo ng Malacañang nitong umaga ng Biyernes, Nobyembre 10.

Nagpasalamat si Pangulong Marcos kay President Jose Ramos-Horta sa imbitasyon na ito at nagpahayag ng katiyakan na gawin ito upang patuloy na palawakin ang ugnayan ng Timor Leste at Pilipinas.

Ipinahayag din ni Pangulong Marcos ang pagsuporta ng Pilipinas sa proseso ng kasarinlan na dinaanan ng Silangang Timor gayundin sa aktibong partisipasyon nito sa international relations at international events.

Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo ang pangangailangang magsama-sama at mapanatili ang kapayapaan at katiwasayan sa rehiyon lalo na sa mga panahong may kahirapan ang sitwasyon.

Samantala, umaasa naman si Pangulong Marcos na ang pagbisita sa Pilipinas ni President Ramos-Horta ay magiging napakahalagang simula upang mabuo at lalo pang mapalalim ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at ng Timor-Leste.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter