NANINIWALA ang isang anti-communist group na kasunod ng pagbaba sa pwesto ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, lumabas ang kulay ng mga komunistang opisyal ng pamahalaan.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay League of Parents of the Philippines Presidente Remy Rosadio, nanindigan siya na malaki ang progreso ng peace and order sa panahon ni dating Pangulong Duterte.
Partikular na tinukoy nito ang problema ng insurhensiya sa bansa.
Aniya, walang makagalaw na taga gobyerno na taliwas sa kagustuhan ni Duterte laban sa mga kriminal, tiwali at mga terorista.
“Kasi sa ngayon, mula noong nawala si (Former) President (Rodrigo) Duterte, parang naglabasan na ang mga totoong kulay, lalo na ng nga nasa gobyerno, lalo na diyan sa Supreme Court na dati ay hindi naman sila hayagan na nagpapakita ng suporta, dahil sa nakita nila ang puspusan kampanya ni President Duterte para sugpuin ang kasamaang dulot ng CPP-NPA-NDF sa ating bansa,” pahayag ni Rosadio.
Kaya naman pakiusap ng grupo ng mga magulang sa bagong administrasyon.
“Ngayon, ako ay nananawagan kay Presidente Bongbong Marcos na sana tulungan niya ang nga magulang at ang lahat ng pamilyang Pilipino na maging free na tayo sa mga kasamaan na dulot ng CPP-NPA-NDF sa ating bansa at lalo na sa ating kabataan,” ayon kay Rosadio.
Ayon sa grupo, malaki na ang dulot ng mga makakaliwang kilusan na ito sa buhay at kinabukasan ng mga kabataan.
Sa halip aniya na mag-aral, pag-akyat sa bundok ang inaatupag at pakikibaka laban sa gobyerno na utos mismo ng mga organisasyong binuo ng New People’s Army.
“Napakarami na nating kabataan ang na-recruit ng mga legal fronts ng CPP-NPA-NDF na hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Nasasayang ang kanilang scholarship sa UP dahil humihinto sila at napupunta lang sa kabundukan. Sana po, mahal na presidente (PBBM) bigyan mo po ito ng pansin dahil ito ay talagang nakakabahala na lalo na sa aming mga magulang na may mga kabataan na nag-aaral sa mga unibersidad sa Manila. At hindi lang sa Manila kundi sa buong bansa lalo na sa mga state-university na pina-funded ng ating taxes para sa mga iskolar ng bayan,” ayon kay Rosadio.
Kasunod nito ang hindi pa rin matanggap ng mga miyembro ng liga ng mga magulang sa pagpabor ng Manila RTC sa pagbasura ng petisyon ng pamahalaan na ideklarang terorista ang CPP-NPA-NDF.
Aniya, nakakabahala rin ang tinuran ni Judge Marlo Magdoza-Malagar matapos nitong desisyunan ang inihaing petisyon laban sa mga kalaban ng estado
“Si Judge Marlo, hindi ko po alam kung ano ang nasa isip niya, nasa puso, dahil sa nabasa ko rin na ‘yung husband yata niya is supporter ng CPP-NPA, at dating kadre kaya niya ibinasura para na rin siguro sa seguridad ng kanyang asawa. Pero dapat huwag niya ‘yan gamitin para proteksiyunan ang CPP-NPA-NDF,” ayon pa ni Rosadio.