BUMISITA kaninang umaga sa Camp Riego De Dios sa Tanza Cavite si Defense Undersecretary for Civil, Veterans and Reserve Affairs Franco Nemesio Gacal.
Ang kanyang pagbisita sa headquarters ng Philippine Army Reserve Command ay napapanahon lalo pa’t pinalalakas ngayon ng AFP ang framework para sa pagbabalik ng ROTC training sa mga eskwelahan.
Bukod sa taga-DND, ay bumisita rin kanina ang Ready Reserve Brigade at Battalion Commanders mula Visayas para sa fellowship at forum.
Para sa DND, mahalaga ang role ng Reserve Command lalo na sa panahon ng emergency.
“Ang role kasi ng Reserve Command ito yung nag-oorganize, ito rin ang ating mga reservist and eventually sila rin ang maghahandle ng ROTC program natin. Sila yung sa frontline as far as developing yung ating mga reservist,” pahayag ni Gacal.
At dahil suportado ng Presidente at Bise-Presidente ng bansa ang pagbabalik ng ROTC, nagpahayag din ng kahandaan ang Army Reserve Command kung sakaling magbalik ang training ngayong taon.
“Yung ating mga training directors ay nakapag-prepare na ng kanilang mga grupo para maghandle ng ating ROTC training,” ayon naman kay MGen. Fernand V. Felipe PA commander, Reserve Command.
Giit din ni Felipe, naghanda rin sila ng ROTC handbook na magsisilbing manual ng mga sasalang sa training.
At dahil sa makabagong panahon, gagamit na rin ang Reserve Command ng Audio Visual Presentations (AVP) na siyang gagayahin ng mga estudyante sa kanilang practical exercise.
Nilinaw naman ni Felipe ang agam-agam ng ilang mga magulang na isalang sa ROTC ang kanilang mga anak.
Lalo na’t tiyak na sasalang ang mga ito sa putikan sa kasagsagan ng pagsasanay.
“So yung exposure nila sa training ay katulad din ng exposure katulad din sa military service o yung mga candidate soldier. Hindi sila pinahihirapan kundi sila’y patatatagin upang maging resilient sila sa pagharap sa kinabukasan o sa mga challenges ng buhay,” ani Felipe.
Bukod dito ay, inihahanda rin daw sa training ang mga estudyante sakaling ipadadala sila sa relief and rescue operations.
“Yung pagkaka-expose sa putikan ay hindi natin mapipigil kung minsan dahil kailangan nilang masubukan kung ano ang dinadaanan ng mga nagte-training upang sa ganun pag dumating ang puntong kailangan natin sila sa relief and rescue operation, hindi sila magdadalawang-isip na lumusong para tulungan ang kanilang pamilya, ang kanilang kapitbahay, ang mamamayang Pilipino na nangangailangan ng tulong,” saad ni Felipe.
Sa ilalim ng Marcos administration, mataas ang morale ng Army Reserve Command na mas maraming mga Pilipino ang magiging reservist. Dahil nanggaling mismo sa bibig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kahalagan ng pagsasanay at ang kahalagahan ng mga reservist sa panahon ng pangangailangan.