HINILING ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ ang Transcript of Records ni Senator Manny Pacquiao para maipakita sa publiko.
Ito ay sa gitna ng pagkuwestiyon ng publiko sa kung paano nakuha ng senador ang diploma sa kursong political science sa isang unibersidad sa Makati sa loob lamang ng tatlong buwan na itinanggi naman nito.
Matatandaan na nitong weekend bago magtungo sa Amerika para sa kanyang laban kay WBC at IBF World Welterweight Champion Errol Spence Jr., inihayag ni Senador Pacquiao na tinapos niya ang kanyang pag-aaral sa loob ng labing-isang taon mula noong 2008.
Ayon kay Pastor Apollo, ito ay para mabigyang-linaw ang isyu at mapatunayan na hindi ito nagsisinungaling gaya ng paninindigan nito na hindi siya tiwali at hindi sinungaling.
Ipinaliwanag din ni Pastor Apollo na kaya niya tinatalakay ang isyung ito ay dahil isang public servant si Pacquiao na ibinoto ng milyon-milyong katao at kasama na aniya siya sa bumoto dito.
Gayunman, nilinaw din ni Pastor Apollo na handa nitong i-clear o linisin si Pacquiao sa isyu kapag naibigay na ng senador ang hiniling na Transcript of Records nito bilang patunay na hindi ito nagsisinungaling sa publiko.