Trillanes puro daldal lang hindi lumalaban sa debate —Duterte

Trillanes puro daldal lang hindi lumalaban sa debate —Duterte

MULING pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Senador Antonio Trillanes kaugnay sa panibagong akusasyon nito.

Matatandaan na pinaratangan ni dating Senador Trillanes sina Pangulong Duterte at si Senador Bong Go na sangkot umano sa P6.6 bilyong halaga ng road widening at concreting projects sa Davao Region.

Nagbigay naman ng pahayag at ulat si Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo hinggil sa mga alegasyon na ito ng senador.

“Gusto ko pong mag-react dahil mayroon tayong nabasang pahayag ng rebeldeng naging senador, na pagkatapos pakainin ng pamahalaan eh nag-stage ng coup. At ngayon eh mayroon na naman siyang iniuugnay na bagong akusasyon na kayo daw ay involved na naman sa korupsiyon pati daw ‘yang si Senador Christopher Bong Go na sa katotohanan lang ito’y dati na po niya itong inilabas at nagkaroon na ng mga hearings sa Kongreso at ito’y napatunayan,” pahayag ni Panelo.

Bukod pa kay Trillanes, kasama ring pinasaringan ng Punong Ehekutibo si Senador Manny Pacquiao.

Sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga alegasyon ng mga kritiko ay marahil nakakita ang mga ito ng magandang oportunidad para sa kanilang pansariling interes.

Pinagkumpara rin ni Pangulong Duterte sina Trillanes at Pacquiao na pareho aniyang may hangaring manatili sa kapangyarihan.

“Si Trillanes pareha ni Pacquiao ‘yan. They want to, you know, hold power because they must have — may nakita siguro silang magandang oportunidad nila para sa kanila,”ayon sa Pangulo.

Matatandaan na inilahad ni Pacquiao na mas tumitindi ang korupsiyon sa kasalukuyang administrasyon bagay na ikinadismaya at pinalagan ni Pangulong Duterte.

Kasunod nito, hindi na rin pinahaba pa ni Pangulong Duterte ang resbak nito kay Trillanes bagkus ipinauubaya na ng Punong Ehekutibo kay Secretary Panelo ang isyung ipinupukol ng senador.

Pasaring pa ng Punong Ehekutibo, hanggang daldal lang naman si Trillanes pero hindi naman aniya ito lumalaban sa mga debate.

“Well, I leave Trillanes to you. Ikaw na ang bahala sa kanya kung anuhin mo ‘yan. Eh daldal nang daldal ‘yan eh hindi naman lumaban ng debate ‘yan,” ayon pa sa Pangulo.

Una rito, binanatan na rin ng Malakanyang si Trillanes at sinabing wala itong sapat na ebidensya para patunayan ang kanyang mga alegasyon laban sa Pangulo.

SMNI NEWS