Tuburan Coffee Farm sa Cebu, alternatibong paraan ng pangkabuhayan ng mga mamamayan sa lugar

Tuburan Coffee Farm sa Cebu, alternatibong paraan ng pangkabuhayan ng mga mamamayan sa lugar

TUTUTUKAN ni Mayor Democrito Aljun Diamante ang alternatibong pangkabuhayan, para sa kaniyang mga constituents sa bayan ng Tuburan sa lalawigan ng Cebu.

Taong 2011 nang magsimulang magtanim ng kape si Mayor Diamante sa lugar at taong 2012 naman nang makakuha ng magandang teknolohiya sa pagkakape na sinimulan sa kaniyang 80 ektaryang lupain na meron pa lamang 65 na magsasaka noon.

Nabatid na ang pangkabuhayan ng mga residente noon ay tanging pagsasaka at laganap na pagpuputol ng kahoy upang gawing uling na kalaunan ay naging dahilan para masira ang kalikasan.

“So ang alternative ay nagpatanim tayo ng kape. Kape para hindi na gawing uling ng mga tao. Nangyari ito noong 2011. Noong 2012, nakakuha tayo ng magandang technology sa kape. So nagsimula tayo sa sarili nating farm na 80 hectares,” ayon kay Mayor Aljun Diamante, Tuburan Cebu.

Bagama’t aminadong nahihirapan noong una ay ipinagpatuloy pa rin nito ang kaniyang magandang plano para sa kaniyang mamamayan.

Sa ngayon ang Tuburan Coffee ay ang unang homegrown na brand ng kape sa Cebu at coffee capital ng lalawigan.

Dagdag ng akalde na mula sa 10 barangay noong 2011 ay nasa 29 barangays na ang sumali sa produksiyon ng Tuburan’s Coffee sa kasalukuyan.

Bukas din ang alkalde sa posibilidad na ang buong lalawigan ng Cebu ay maging coffee capital ng Pilipinas.

“Hindi pahuhuli ang Cebu, lalo na ang Cebu ay willing at isang agricultural land,” dagdag ni Mayor Diamante.

Kamakailan lang ay nagkaroon ng isang 2nd quarter meeting ang iba’t ibang national government agencies na isinagawa sa bagong pasilidad na Tuburan 360 kung saan ipinaalam sa mga kalahok ang iba’t ibang Intervention programs bilang bahagi ng Accelerated and Sustainable Anti-Poverty Program (ASAPP).

Ang National Economic and Development Authority (NEDA) na namumuno sa ASAPP ay nagpulong sa mga ahensiya ng gobyerno at stakeholder upang tumulong sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng lokal na kape ng Tuburan bilang isang “Poverty Reduction Program” na tiyak na mapakikinabang ng mga farmers.

“Ang purpose is to help the poor lalo na ‘yung kapatiran nating mahihirap talaga to uplift their lives. So ang nangyari nirerekomenda natin sa kanila (mga agency) ay mga coffee planters,” ani Diamante.

Nakiisa rin sa naturang pagtitipon ang National Anti-Poverty Commission (NAPC).

 “Yun ang dahilan kung bakit kami pumunta dito, gusto naming i-dokumento ito at i-kuwento doon sa maraming local government units (LGUs) kasi sa ngayon ang aming mandato ay ang pagbalangkas ng mga Local Poverty Reduction Action Plan ayon ito sa Magna Carta of the Poor and Adequate Food and ‘yung agriculture sector is one of our major priority,” ayon kay Sec. Lope Santos III, NAPC.

Mula sa 65 coffee farmers noong 2011, ngayon ay aabot na sa mahigit 2,000 farmers ang nangangalaga sa mga tanim na kape.

Ang 2,000 coffee farmers ng bayan ay sinusuportahan ng iba’t ibang ahensiya para matiyak ang sustainability ng kanilang mga produkto ng kape.

Kabilang na dito ang 48-anyos na magsasaka  na si Cresilda Lapus na natulungan sa naturang programa.

“Ngayon, andito na kami, nakapagsaka pa rin kami tapos meron na kaming pambili ng pagkain at pang-ulam. Hindi katulad dati na nahihirapan kami para sa pambili. Ngayon, malaking tulong itong ginawa ni Mayor (Diamante) na coffee plantation,” ayon kay Cresilda Lapus, Farmer.

Nabatid na bukod sa 80-ektaryang Coffee Farm Diamante, mahigit 3,000 ektarya pa ang pag-aari ng iba’t ibang residente na pawang tinutulungan sa pamamagitan ng convergence ng mga pambansang ahensiya.

Hinikayat din ni Mayor Diamante ang mga munisipalidad ng Cebu na makiisa sa kaniyang bayan sa pagtatanim ng kape na malaking tulong sa industriya na maiangat ang pamumuhay ng mga mamamayan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble