Tulong ng PH gov’t sa OFWS, handa sakaling sumiklab ang sigalot sa pagitan ng Taiwan at China—DMW

Tulong ng PH gov’t sa OFWS, handa sakaling sumiklab ang sigalot sa pagitan ng Taiwan at China—DMW

NAKAHANDA ang pamahalaang Pilipinas na tumulong sa Overseas Filipino Workers (OFWs) at Filipino community kung sumiklab ang sigalot sa pagitan ng Taiwan at China.

Ito ang sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac sa isang press conference sa Quezon City.

Tiniyak ni Cacdac sa publiko na ginagawa na ng ahensiya ang lahat ng paghahanda para sa kapakanan ng OFWS.

Partikular na tinukoy rito ang patuloy na komunikasyon sa pagitan ng DMW, Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa pangunguna ng chairman nito na si Silvestre Bello III, kasama ang mga komunidad ng Pilipino at mga kinatawan ng manggagawa sa Taiwan para subaybayan ang sitwasyon doon.

Inilahad ni Cacdac na mayroon na silang mga contingency plan at natukoy na nila ang mga convergence point at safety measures sakaling lumala ang tensiyon sa Taiwan.

“And, as always, we stand ready. In general, we have contingency plans and place.  We stand ready in the event of contingency,” saad ni Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.

Gayunpaman, hindi isiniwalat ni Cacdac ang mga karagdagang detalye na may kinalaman sa operational security na maaaring makakompromiso sa kaligtasan ng mga OFW at Filipino community sa Taiwan.

Aniya, patuloy pa rin silang nakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng gobyerno at stakeholders.

Nang tanungin kung ipapatupad ng gobyerno ang mandatory repatriation sakaling lumala ang tensiyon, sinabi ni Cacdac na depende pa rin ito sa aniya’y “nature of the armed conflict”.

Idinagdag pa nito na depende rin sa mga Pilipino sa Taiwan kung tatanggapin nila ang alok ng gobyerno para sa repatriation.

Mayroong 153,000 Pilipino sa Taiwan, ayon kay Cacdac.

Batay sa isinasaad ng Presidential Communications Office (PCO), dose-dosenang mga umano’y Chinese warplanes at navy vessels ang iniulat na binabantayan ng Taiwan sa baybayin nito kamakailan.

Saysay pa ng PCO, isa itong maliwanag na pagpapakita ng kawalang-kasiyahan ng China sa inagurasyon ng mga bagong pinuno ng Taiwan na hindi kinikilala ang kanilang lupain bilang bahagi ng China.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble