Tumanggap ng tulong-pinansiyal para sa mga OFW na bigong magtrabaho sa Kuwait, higit 100

Tumanggap ng tulong-pinansiyal para sa mga OFW na bigong magtrabaho sa Kuwait, higit 100

KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na umabot na sa 120 na mga Filipino ang nabigyan ng tulong-pinansiyal na bigong magtrabaho sa Kuwait habang nagpapatuloy pa rin naman ang repatriation sa mga distressed OFW doon.

Inihayag ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac na mula sa mahigit 800 na mga Filipino na bigong makapag trabaho sa Kuwait, umabot na sa kabuuang 120 ang nabigyan ng tulong-pinansiyal ng pamahalaan na tig-P30,000.

Habang may 60 naman sa kanila ang patuloy na umuusad ang proseso ng alternative job opportunity sa kanilang recruitment agency.

Aniya patuloy pa rin ang ginagawang pagsisikap ng pamahalaan para sa job matching o makapagtrabaho sa ibang bansa ang mga OFW na inabutan ng suspension ng entry at work visa sa Kuwait.

Bukod pa dito, tuluy-tuloy pa rin ang repatriation program na ginagawa ng DMW sa mga distressed OFW mula sa Kuwait na karamihan sa kanila ay may mga problema sa kanilang employer o di kaya may kinalaman sa problema sa Immigration gaya ng overstaying, o expired na ang visa.

Ani pa ni Cacdac, higit 100 na ang napauwi ng OWWA na mga OFW mula Kuwait simula noong Mayo 2023 habang inaasahan sa mga susunod na araw ay may mga panibagong batch pa ang makauuwi ng bansa.

Sa ngayon, nasa 140 na lamang na mga OFW ang pansamantalang nasa shelter ng Kuwait.

Matatandaan, isa sa mga itinuturong dahilan ng Kuwait government ang shelter sa Kuwait na nilabag sa bilateral agreement ng Pilipinas.

Umaasa naman ang DMW na muling magbubukas sa mahinahong pag-uusap ang Pilipinas at Kuwait kaugnay sa nagpapatuloy na deployment ban.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter