KINONTRA ni Senador Win Gatchalian ang paratang ng Department of Energy (DOE) na inaantala ng Senado ang timeline ng work program ng Malampaya consortium sa pagbusisi sa mga bentahan ng shares sa Malampaya gas field.
“Hindi tamang akusahan ang Senado na nagiging dahilan ng pagkaantala ng anumang timeline o work program ng consortium sa Malampaya. Kabilang sa mga tungkulin namin ang panagutin ang mga ahensya ng gobyerno sa mga kaduda-dudang transaksyon,” ani Gatchalian.
“Ang work program na may sinusunod na timeline ay commitment ng consortium sa gobyerno. Samakatuwid, kasama sa responsibilidad ng consortium ang pagtupad sa pangakong ito at kung mayroon mang pagkaantala sa pagtupad sa kanilang work program ay responsibilidad na ng DOE na panagutin ang consortium. Bakit Senado ang sinisisi?” tanong ni Gatchalian.
Ang bentahan sa pagitan ng Chevron at Udenna ay naisara noong Marso 2020 at noong Abril ng kasalukuyang taon lamang inaprubahan ng DOE ang nasabing transaksyon.
Matatandaan na noong Oktubre 2020 naghain ng Senate Resolusyon No. 553 si Gatchalian kasama sina Senate President Vicente Sotto III at Sen. Panfilo Lacson upang siyasatin ang plano at mga programa ng DOE sa gitna ng napipintong pagtatapos ng kontrata ng Malampaya.
Nakapagsagawa ang Senate Energy Committee sa pangunguna ni Gatchalian ng tatlong pagdinig at binusisi ang mga dokumentong isinumite ng DOE na may kinalaman sa nasabing transaksyon.
“Kami sa Senado ay tumutupad lamang sa aming oversight functions bilang bahagi ng check and balance mechanism sa gobyerno sa kadahilanang malaki ang papel ng Malampaya sa pagsisiguro ng suplay ng enerhiya ng ating bansa,” ayon sa Chairperson ng Senate Energy Committee.
“Filipino consumers rin po kami, kaya karapatan po naming magtanong at panagutin kung mayroon mang nagkasala,” dagdag pa niya.
Naghain rin si Gatchalian ng isa pang resolusyon, ang SRN 724, dahil sa kawalan ng katiyakan sa kahihinatnan ng nasabing gas project na unti-unti nang natutuyuan ng suplay.
Sa kanyang resolusyon, pinagdiinan ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagsasapubliko ng DOE ng plano ng gobyerno na magsisiguro ng tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya ng bansa.