Turismo sa Palawan, asahang sisigla matapos bumisita si Kamala –Rep. Hagedorn

Turismo sa Palawan, asahang sisigla matapos bumisita si Kamala –Rep. Hagedorn

POSITIBO si Palawan 3rd District Rep. Edward Hagedorn sa epekto ng pagbisita ni United States Vice President Kamala Harris sa Palawan partikular na sa Puerto Princesa City.

Sa panayam ng SMNI News sa Palawan, giit ni Hagedorn na asahang sisigla ang local tourism sa Palawan dahil sa pagbisita ni VP Kamala Harris.

Aniya, malaking bagay sa kasaysayan ng Palawan na binisita sila ng ikalawa sa pinakamataas na lider ng Amerika kaya asahan na makakahatak ito ng mas maraming mga turista.

“Kaya malaking-malaking bagay dahil definitely it will trigger the visit of more dignitaries from the different parts of the world,” ani Hagedorn.

Samantala, hindi naman naniniwala si Hagedorn na dating mayor ng Puerto Princesa na magdudulot ng giyera sa pagitan ng US at China ang pagbisita ni Harris dahil sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Saad nito, malabong sumiklab ang digmaan dahil ayaw ng lahat ng bansa ng gulo katulad ng China lalo na kung ang mga lugar na madadamay ay lumalago ang ekonomiya.

Umaasa naman ang beteranong opisyal na idadaan sa mapayapang usapan ang pagresolba sa isyu ng territorial conflict sa WPS.

Follow SMNI NEWS in Twitter