US VP Kamala Harris, nagtungo sa Palawan na islang pinakamalapit sa teritoryong inaangkin ng China sa WPS

US VP Kamala Harris, nagtungo sa Palawan na islang pinakamalapit sa teritoryong inaangkin ng China sa WPS

MAHIGPIT ang seguridad sa Puerto Princesa Port sa pagbisita kahapon, Nobyembre 22 ni United States Vice President Kamala Harris.

Take-over ang US Secret Service sa paglalatag ng seguridad sa lahat ng mga sasampa sa BRP Teresa Magbanua, ang barko ng Philippine Coast Guard kung saan pupunta ang bise presidente ng Amerika.

Maging ang mga taga-Coast Guard, hindi nakalusot sa inspeksyon kahit sa sariling barko sasampa ang banyagang lider.

Ang isla ng Palawan ang pinakamalapit sa pinag-aagawang teritoryo ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea.

Pero nandito raw si Harris para isulong ang ‘peace and stability’ sa pinag-aagawang teritoryo bilang defense ally ng Pilipinas.

Ngunit sa kanyang talumpati, pasimpleng nagpatama si Harris sa kabilang bansa.

 “However, the vitality of communities like this is at risk. Communities like this have seen the consequences and people here know the impacts when foreign vessels enter Philippine waters and illegally deplete the fishing stock. When they harass and intimidate local fishers. When they pollute the ocean and destroy the marine ecosystem,” ayon kay VP Harris.

Nangako naman ng tulong ang US government laban sa illegal, unreported and unregulated fishing (IUU) sa pinag-aagawang teritoryo.

“And today I am pleased to announce additional areas of cooperation. The United States provide new funding to Maritime Philippine Law Agencies to increase their capacity to counter IUU fishing, to enhance monitoring systems, and to upgrade equipment,” dagdag pa ni Harris.

Pero isang araw bago ang pagbisita ni Harris, nagkaroon ng komprontasyon ang mga taga-Naval Station Emilio Liwanag ng Philippine Navy sa Chinese Coast Guard.

Ito’y matapos hilahin ng barko ng Philippine Navy ang sinasabing rocket debris na natagpuan sa karagatang sakop ng Pag-asa Islands.

Ngunit ayon sa report, hinarang di umano ng Chinese Coast Guard ang Philippine Navy at umanoy sapilitang binawi ang hinahatak na debris.

Maximum tolerance naman ang ipinairal ng Navy at hindi pinatulan ang ginawa ng Chinese Coast Guard.

Kasunod nito ay agad nilinaw ng Chinese Embassy ang pangyayari.

Iginiit ng Chinese Embassy na walang naganap na panghaharang at nagkaroon ng ‘friendly consultation’ sa insidente.

“Before the China Coast Guard found the said floating object, some Philippine Navy personnel already retrieved and towed it. After friendly consultation, the Philippine side returned the floating object to the Chinese side on the spot,” ayon sa Chinese Embassy.

Dahil dito, giit ng grupong Nationalist Filipinos against Foreign Intervention (Nat-Fil) na malinaw na pang-uudyok ng giyera sa China ang pakay ng US sa pagbisita ni Harris sa Palawan.

Lalo pa’t may nangyaring komosyon sa pagitan ng Philippine Navy at Chinese Coast Guard isang araw bago ang pagdating nito.

 

Follow SMNI News on Twitter