ISASAGAWA ngayong araw ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang turnover ceremony para sa bagong chairman na uupo sa ahensiya.
Isasagawa ang ceremonial turnover sa pagitan ni outgoing Chairman Martin Delgra III at kay bagong Chairman Atty. Cheloy Garafil.
Magsisimula ang programa ng alas otso y medya ngayong umaga kung saan gagawin ito sa mismong tanggapan ng LTFRB.
Inaasahan naman na mas palalakasin at mas pagtitibayin pa ng bagong chairman ang mga programa para sa kanyang sektor.
Una na ring ipinaalam ni Delgra sa Marcos administration na maipagpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda gayun na rin ang mga hiling ng mga driver at operator na dagdag pasahe sa bus, PUJ, TNVs at iba pa.
Hunyo 23 nang ma-appoint si Atty. Cheloy bilang chairman ng LTFRB sa ilalim ng Marcos administration.
Mababatid na si Atty. Garafil ay nagtapos ng master’s degree sa National Security Administration mula sa National Defense College at isang Philippine Air Force reservist na may ranggong lieutenant-colonel.
Habang si dating Chairman Delgra III ay halos anim na taong umupo bilang chairman ng ahensiya sa ilalim ng Duterte administration.