ISANG Ugnayan sa Barangay ang isinagawa at pinangunahan ng 85th Infantry Battalion (85IB) sa Brgy. Villa Tañada Gumaca, Quezon kasama nito ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na pinangunahan ng Gumaca LGU kasama ang Metropolitan Police Department of the District (MPDC), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Municipal Social Welfare Development (MSWD), MAO, Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Rural Health Units (RHU), Municipal Police Station (MPS) Gumaca.
Layon ng nasabing aktibidad na ipaalam sa mga residente ng nasabing barangay ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para sa ikauunlad ng pamumuhay ng bawat isa at upang hindi malinlang sa maling idelohiya ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Dito ay tinalakay nila ang kanilang mga programa at serbisyo para sa mamamayan hindi lang sa barangay ng Villa Tañada kundi maging sa bawat mamamayan sa bayan ng Gumaca.
Tinalakay rin ni Cpt. Fidel E. Nobleza, CMO Officer ng 85IB bilang kinatawan ng 85IB (SANDIWA) sa pamumuno ni Lieutenant Col. Joel R. Jonson ang tungkol sa sitwasyon ng barangay kaugnay sa usaping pangkapayapaan.
Kasunod nito ay nagbigay ng testimonya ang isang dating rebelde na si Ka Jackie patungkol sa mapanlinlang na pag-oorganisa ng teroristang New People’s Army (NPA) at ang kaniyang naging buhay at mapait na karanasan sa loob ng kilusan hanggang sa siya ay sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan.