MULING pinabulaanan ng pambansang pulisya ang umano’y namumuong destabilisasyon laban sa pamahalaang Marcos sa pakikipagtulungan ng ilang aktibo at retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y matapos na mabatid mula kay dating Sen. Antonio Trillanes na mayroon umanong 2 aktibong heneral na nasa likod ng recruitment sa iba pang pulis para pabagsakin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa isa pang panayam ng media kay Interior Secretary Benhur Abalos, hindi rin siya kumbinsido sa ipinakakalat na balita ni Trillanes bagkus isang malaking tsismis lamang aniya ito.
Mahigit 100 porsiyento rin siyang sigurado na pokus lamang sa trabaho ang mga kapulisan sa halip na makibahagi sa nasabing banta sa pamahalaan.
“Alam niyo ito lang, lahat halos ng administrasyon may mga ganyang tsismis. For the record, sinasabi ko talagang there is no credible threat. Wala po ito, 101 percent andiyan ang mga pulis busy kami, busy sila sa trabaho,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, DILG.